APAT na lump sum items sa 2014 national budget ang idineklara ng Korte Suprema na naaayon sa Saligang Batas. Hindi, aniya, ito tulad ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na unconstitutional dahil wala itong pinaglalaanang paggagastusan.
Ang apat na lump sum items kahit saan mo tingnan ay discretionary fund at may itsura ring PDAF, pero legal ang mga ito sa tingin ng Korte. Ang mga ito ay nagpapahintulot sa mga kongresista at senador na ituro ang mga proyektong paglalaanan ng pondo pagkatapos na maaprubahan ang budget. Ang pondong hindi nakaprograma ay gagastusin sa mga identified projects, bilang contingency fund para sa mga proyektong bago at kinakailangan na sumulpot pagkatapos mapagtibay ang budget, kabilang na rito ang travel expenses ng Pangulo, e-government fund on strategic information and communication technology projects ng mga ahensiya ng gobyerno at pondong pangsuporta at pangtulong sa mga local government unit. Dahil dito, kahit hindi nakaprograma at bulto ang pera ng bayan, iba ang mga ito sa PDAF.
Sa P4.1 trillion 2020 budget, ang tanggapan ng Pangulo ay humihingi ng P82 billion budget na ang malaking bahagi nito ay nakalaan sa confidential intelligence fund. Samantala, nilaanan naman ng mga mambabatas ang kani-kanilang sarili ng tig-P100 million. Dahil ang Kamara ay may 299 na kongresista, P29.9 billion na buwis ng mamamayan ang mapupunta rito.
Naimbento ng mga mambabatas ang PDAF dahil nang kuwestiyunin noon ang constitutionality ng pork barrel o bultong pondo na walang pinaglalaanang proyekto sa budget, idineklarang constitutional ito ng Korte Suprema. Eh nahayag sa taumbayan naman kung paano paduguin ang taumbayan sa pamamagitan ng PDAF. Dito nga nabunyag ang naging papel ni Janet Napoles na gumawa ng mga pekeng non-government organization at dito inilagay ang PDAF ng ilang mambabatas. Namorsiyento sila at si Napoles sa salaping ito ng taumbayan. Kaya, lumabas sa kalye ang mamamayan upang ihayag ang kanilang poot sa ginawang ito ng mga mambabatas sa kanilang buwis.
Ito na naman ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa 2014 national budget na nag lump sum discretionary fund dito ay constitutional. Eh hindi nakaprograma ito at walang pinaglalaanan hanggang hindi itinuturo ng mga mambabatas kung saan ito gagastusin pagkatapos aprubahan ang budget. Ang porsiyentuhan ay hindi rin mawawala. Kapag si Kongresista o Senador ang nagsabi ng proyekto mula sa kanyang pork barrel, sa gagawa nito, alam na niya ang SOP para makuhang tuluyan ang kontrata. Ang tungkulin ng mga mambabatas ay gumawa ng batas, hindi sila inihalal ng bayan sa DPWH para gumawa ng kalsada at mga imprastraktura. Nakakatukso ang malaking salapi na nasa kamay ng isang tao.
-Ric Valmonte