NAGLAAN ang The Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng paunang pondo na P2 milyon para sa pagkakaloob ng scholarship sa bagong Provincial Training Center sa bayan ng Malapatan, Sarangani.

Sinabi ni Rafael Abrogar II, TESDA 12 (Soccsksargen) director, na inilaan ang pondo para sa agarang operasyon ng training facility.

Aniya, gagamitin ang pondo para sa rollout ng libreng pagsasanay ng ahensiya sa mga iskolar sa lugar.

Kabilang naman sa mga kursong maaaring makuha sa training center ay ang cookery, shielded metal arc welding, automotive, at driving.

“The training center will start its operations soon and the allocation of the scholarship slots will not be selective but it will be opened to everyone,” aniya.

Nitong Setyembre 27, pormal na pinasinayaan ang bagong pasilidad katuwang ang lokal na pamahalaan. Nakatanggap na rin ito ng program certificate mula sa Technical and Vocational Education and Training (TVET) registration na inilabas niTESDA Director General, Secretary Isidro Lapeña.

Upang higit namang mapaunlad ang operasyon, sinabi ng probinsiyal na pamahalaan na tututukan nito ang konstruksiyon ng isang dormitory sa training center compound na maaaring tumanggap ng mga magsasanay na mula pa sa malalayong lugar.

Ang Provincial Training Center in Malapatan ang unang nagbukas na pasilidad sa rehiyon ngayong taon.

Sa ngayon, tuloy ang pagsusulong ng TESDA-12 para sa pagbubukas ng tatlo pang pasilidad sa mga probinsiya ng South Cotabato, Sultan Kudarat, at North Cotabato bago matapos ang taon.

PNA