“Kailangansundin ko ang procedural process. Hayaan mo munang sumagot. Karapatan ang marinig. Ibinibigay ito sa mga kriminal, sa mga kidnapper. Dapat din itong ibigay sa heneral ng PNP,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang pagsasalita sa mga reporter pagdating niya sa Davao City mula sa limang araw niyang pagdalaw sa Russia.
Aniya, dapat maingat na pag-aralan niya muna bago siya magpasiya kung ano ang dapat gawin kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde gayong wala pa namang nilalabas na tuwirang nag-uugnay sa kanya sa ninja cop racket. Hindi raw niya kaagad masisibak si PNP Chief dahil lang sa siya ay nakialam at pigilin ang pagpapairal ng dismissal order laban sa 13 pulis na sangkot sa Pampanga drug operation. Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang deklarasyon ni Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang linggo na tinawagan siya ni Albayalde at sinabihan na huwag pairalin ang dismissal order laban sa mga pulis. “Hindi kaagad ako makapagdedesisyon. May legal maxim na dapat sundin. Ang pagkakasala ay personal. Iyan ang problema. Kaya nga dapat pakinggan bago hatulan,” dagdag pa ng Pangulo. Eh ganito rin sana ang gawin natin sa mga dukha at pipitsugin na gumagamit at nagbebenta ng droga. Hindi iyon agad natin silang pinapatay.
Pero, sabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon sa phone interview sa kanya nitong Lunes: “Sa palagay ko may sapat nang impormasyon para sa Pangulo upang gumawa ng desisyon. Pero gusto ko pa rin na sumipot si Albayalde at sagutin ang mga tanong na nangangailangan ng kasagutan. Hindi pa kami gagawa ng desisyon nang hindi pa niya nasasagot ang mga katanungan. Alam kong publikong naganap ang imbestigasyon at narinig lahat ito ng taumbayan. Wala kaming dapat itago. Sa palagay ko maganda ang imbestigasyon.”
Pero, ayon kay Albayalde, palabas lang ang imbestigasyon. Hindi ganito ang dating sa akin. Kung nasabi ni Sen. Gordon na si Albayalde ay “at the very least guilty of negligence,” para sa akin, iyong sabihan niya si Aquino na huwag ipatupad ang dismissal order laban sa mga pulis ay at the very least guilty siya ng obstruction of justice. Eh napakabigat ng kaso ng mga pulis na ito na nagsagawa ng buy-bust operation o raid sa Lakeshore, Mexico, Pampanga. Kinupit nila ang malaking bahagi ng shabu na kanilang nakumpiska para sila naman ang magbenta at pinakawalan ang talagang salarin na kanilang nadakip sa halagang 50 milyong piso. Sa halip, nanghuli sila ng ibang tao bilang kapalit nito. Ganoon pa man, tulad ng sinabi ni Pangulong Digong, hayaan munang marinig ang panig ni Albayalde at hintayin ang bunga ng imbestigasyon. Mag-iimbestiga na si DILG Sec. Año kahit nag -iimbestiga na ang Senado.
Pero, anuman ang kahinatnan ng mga imbestigasyong ito – maaaring iyong isa ay papanagutin siya at iyong iba, ay linisin siya – kailangan itigil na ang mga pagpatay sa pagpapairal ng war on drugs. Hindi makatwiran at makatarungan na may selective due process at presumption of innocence at may putik ang kamay ng pumapatay.
-Ric Valmonte