NAGSIMULA ang lahat nang isiwalat ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating CIDG chief, ang lahat sa pagdinig ng Senado hinggil sa kalakalan ng droga sa Bilibid at iba pang mga paglabag. Upang malimitahan ang epekto ng kanyang ibinunyag, humingi siya ng executive session upang higit pang maidetalye ang ilegal na mga transaksiyon sa nasabing kulungan at maibunyag ang mga pangalan ng sangkot dito.
Matapos ang pribadong sesyon, nagsimula nang kumalat ang ilang bahagi ng naging pagpupulong, na tumagal ng dalawang oras. Walang pangalang lumutang bilang pagkakakilanlan ng ‘drug queen,’ ngunit mabilis namang sumiklab ang exposé na sangkot pa rin ang mga ‘ninja cops’ sa recycling ng nakukumpiskang mga droga.
Dahil sa mga nasiwalat, nalagay sa gitna ng banggaan sina Magalong Magalong, PNP chief Gen. Oscar Albayalde, at PDEA chief Gen. Aaron Aquino. Ilang oras ang nakalipas, mariing itinanggi ng pamunuan ng pulisya ang partisipasyon ng mga pulis sa droga. Na nasundan pa ng sunod-sunod na pagkalantad ng mga kaugnay na isyu na nagsimulang manguna sa mga balita.
Una rito, ang ‘drug queen,’ na kalaunan ay kinilalang si Guia Gomez Castro, kapitana ng Barangay 484, Zone 48 sa Maynila, na umalis patungong Canada noong Setyembre 20, isang araw bago ang pagdinig ng Senado. Sa paglutang ng tatlong kasong nakasampa laban dito, higit pang lumalim ang misteryo na bumabalot sa isyu.
Ikalawa, ang lantarang pagsasangkot kay Gen. Albayalde sa mga ‘ninja cops’ noong ito ay nakatalaga pa sa Pampanga. Tulad ng inasahan, pinabulaanan nito ang anumang kaugnayan at mariing nagpahayag ng kahandaan na humarap sa pagdinig ng Senado upang linisin ang kanyang pangalan. Kaugnay nito, naglabas naman ang Palasyo ng pahayag na nagsasabing nananatili ang tiwala ng Pangulo sa PNP chief, na tinawag ang ninja cops na legasiya ng dating administrasyon.
Ikatlo, tila nagpahandaan na, na agad naglabasan ang mga papuri sa ‘drug queen’ mula kanyang mga nasasakupan, para sa umano’y mga kabutihan nito, matapos ilabas ng awtoridad na kumikita umano ito ng bilyon-bilyong piso mula sa ilegal na droga at nireregaluhan pa ang mga ‘ninja cops’ at ilang mga opisyal ng mamahaling mga sasakyan.
Ikaapat, binawi ng PNP ang mga security escort ni Gen. Aquino matapos ipag-utos sa mga ito na mag-report sa kani-kanilang mga unit. Nasundan naman ito ng pagsisiwalat ng PDEA chief, na patuloy umano ang operasyon ng mga tiwaling pulis bilang ‘ninja cops,’ bagay na iginiit ng PNP na nabuwag na. Kinailangan pang makialam ang Palasyo bago maibalik ang mga escort.
At ang ikalima, dahil sa pagkaalarma sa nagging takbo ng mga pan-gyayari, sinabihan ni Sen. Richard Gordon si mayor Magalong na iparating sa Senado na kailangan niya ng mas maraming security officers kasunod ng nagging pagbawi sa mga escort ni Gen. Aquino.
Nagiging magulo na ang mga bagay ngayon. Umaasa tayo na maitutuwid na ang mga gusot sa lalong madaling panahon bago pa may umalingawngaw ang unang putok, at matagpuan na lamang ang isa na nasa punerarya. Sa katunayan, may kasinungalingan sa isang dako rito.
-Johnny Dayang