ISANG bagong pagsisikap upang masiguro ang malinis, patas at may kredibilidad sa halalan ng Pilipinas ang inilunsad ng Kamara de Representantes sa paghahain ng House bill 3896 ni Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Raymund “LRay” Villafuerte, para sa kombinasyon ng mano-manong botohan at bilangan at ang elektronikong pagpapasa at pagbibilang sa resulta ng botohan.
Matagal nang iminumungkahi ng maraming sektor ang pagpapatupad ng ‘hybrid election,’ lalo na nang maranasan ang mga biglaang glitches dulot ng mahabang pagkaantala sa pagpapasa ng mga resulta ng botohan mula sa mga presinto patungo sa mga canvassing center. Ang kanyang mungkahing hybrid election system, ani Congressman Villafuerte, ang magsasaayos sa kalinawan ng botohan at bilangan nito, bilang tugon na rin sa mga akusasyon sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kung saan tanging ang mga makina lamang ang nakaaalam kung paano binilang ang mga boto.
Ang isyu na ito hinggil sa transparency ay naging usapin din para sa mga bansa na gumagamit ng awtomatikong eleksiyon. Isang bagong makina ang binubuo sa Amerika, na pinupuri ng ilan bilang isang pambihirang tagumpay para sa isang lihim at malinis na botohan. Likha ito ng London-based Smartmatic kasama ang Los Angeles County, na may pinakamalaking hurisdiksyon base sa sukat at dami ng mga botante sa Estados Unidos.
Tampok sa bagong makina ang simpleng proseso kung saan mamarkahan ng mga botante ang kanilang napili sa touchscreen. Ilalabas naman ng makina ang nakaimprentang listahan ng mga napili ng botante sa isang papel na balota, upang maberipika ng botante ang kanyang mga pinili at mabago kung kailan, bago opisyal na maisumite ang kanyang balota.
Nabanggit ni LA County Registrar Dean Logan ang ‘transparency’ at ‘straightforwardness’ ng bagong sistema. “There is no ambiguity in this ballot. When it prints out, there is no pregnant chads, no deciphering the intent of the voter. It’s very clear. It’s human readable text,”aniya. “The device can be used in 13 languages and exceeds national security standards for voting.” Upang masiguro naman ang mahigpit na seguridad, nakadisenyo ang mga makina na nagsasarili at hindi na kailangan pang ikonekta sa anumang uri ng network o Internet.
Kapag natapos na ang pagsusuri ng Smartmatic at LA County sa bagong sistema, dadalhin naman ito sa California Secretary of State. Inaasahan itong magagamit para sa California presidential primary election, sa Marso 2020.
Ang mga bagong makina ng LA County katuwang ang Smartmatic, na ngayon ay nasa huling bahagi na ng proseso, ay bahagi ng nagpapatuloy na hakbang sa mundo para sa layuning masiguro ang integridad at kredibilidad ng awtomatikong halalan, bukod pa sa bilis kung saan maaaring malaman ng mga botante ang resulta ng halalan.
Hangad ng panukalang batas ni Congressman Villafuerte na malutas ang ilang suliranin na umuusbong tuwing halalan sa Pilipinas. Tututok ang mga bagong makina sa pagboto, na binuo ng Smartmatic at LA County sa sarili nitong problema sa bahagi iyon ng Amerika. Ito at ang iba pang inobasyon sa mundo ay dapat na makatulong sa katumpakan ng proseso ng halalan, na maituturing na puso ng isang demokratikong gobyerno.