MABILIS ang pagpapagawa ng mga bagong daan sa kabuuang lalawigan ng Cebu. Pati pagpapasemento sa Colon Street, kinikilalang pinakamatandang daan sa buong bansa, hagip din sa mga tagumpay ni Governor Rene Espina sa panahon ni Cebu City Mayor Carlos Cuizon. Sa pagbisita ni Espina sa mga paggawaing-bayan, nilalakaran niya ang ina-aspalto o sinesementong daanan hanggang sa dulo nito kasama ang Provincial Engineer. Sisipatin ang kapaligiran, at itataas ang buong kamay, sabay turo, at utos na ituloy ang proyekto sa direksyon o pook ng kanyang daliri. Sasagutin siya ng Project Engineer, gagawan nila ng “study” at mga papeles hinggil sa utos ng gobernador. Buwelta ni Espina, “Tsaka na yan. Basta ituloy ang pagkukumpuni ng putol na daanan. Ihabol na lang yung project study.”

Ang kauna-unahang tulay na nag-uugnay sa Mactan at Cebu, pinagawa rin ni Espina habang acting Secretary of Public Works, Transportation and Communication (kagawarang hinati sa tatlo sa kasalukuyan) sa pamahalaan ni Marcos. Ang sikreto kung papaano naging katunggali ni Ferdinand Marcos si Serging Osmeña sa panguluhan noong 1969, ay dahil sa payo ni Espina. Kaya nagpalabas ng pondo si Marcos sa kanyang dating ka-partido sa Liberal Party Convention upang masiguro si Osmeña imbes si Genaro Magsaysay ang piliin. Si Espina ang pinatakbong senador at nagwagi sa nasabing halalan. Naging ‘Number 1’ senator sa “Ilocandia” kahit Bisaya dahil sa talumpati ni Espina sa Cebu na “Huwag siya iboboto kung hindi rin iboboto ng Cebuano si Marcos.” Sa kampanya sa Ilocos, sinuklian ni Marcos si Espina, “Hinahamon tayo ng mga Cebuano! Huwag din ninyo ako ibobotong pangulo kung hindi ninyo tutulungan si Espina”. Natalo ni Marcos ang paboritong anak ng Cebu, si Serging Osmeña sa lamang na 38,000. Ang ama sa unang batas kontra droga sa bansa, si Senador Espina, sa ilalim ng tinaguriang 1972 Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Noon pa, halos 48 taon, nakitaan na ni Espina, na magiging malaking suliranin ang ipinagbabawal na gamot. Bago pa ang Martial Law itinurong ‘Presidential Trouble-Shooter,’ kaisa-isang hindi Ilokano, sa mga ksamahang Jose Aspiras at Carmelo Barbero.

Itutuloy

-Erik Espina