ATLANTA — Nagpaulan ng record 10 runs sa first inning ang St. Louis Cardinals upang ilaglag ang Atlanta Braves sa Game 5 ng Major League Baseball National League Division Series.

Dahil sa makasaysayang 13-1 victory sa Sun Trust Park noong Miyerkules, pasok na ang Cardinals sa National League Championship Series. Huling pumasok ang St. Louis sa National League championship series noong 2014.
Masakit ang pagkatalo para sa Braves, na nalugmok sa kanilang ika-10 na straight postseason first-round loss.
Umiskor ang Cardinals ng 11 base hits. Wala sa porma naman si Atlanta starting pitcher Mike Foltynewicz, na may seven scoreless innings sa Game 2. Sa Game 5, isang hitter lang ang ni-retire ni Foltynewicz.
May tsansa ang Braves na dagdagan ang single run nila sa first inning, ngunit sinayang ito ni first baseman Freddie Freeman.
Tumalbog sa glove ni Freeman ang bolang pinalo ni Yadier Molina. Kung nasalo ito ni Freeman meron sanang inning-ending double play ang Atlanta.
Labing-apat na Cardinals batter ang pumarada sa plate bago makuha ni Max Fried ang final out.
Naghihintay sa Cardinals sa NL Championship Series ang Washington. Pinaluhod ng Nationals ang llamadong Los Angeles Dodgers 7-3 sa kanilang Game 5 duel.
Magsisimula ang best-of-seven serye Biyernes sa Busch Stadium.