NASA krisis ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakabilad ng umano’y “ninja cops” ng Pampanga Police nang si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde pa ang provincial director ng lalawigan. Labintatlong tauhan ng PNP Pampanga sa ilalim ni Albayalde ang umano’y sangkot sa buy-bust operations sa Mexico, Pampanga noong 2013. Dahil dito, tinanggal siya bilang provincial commander samantalang ang 13 pulis ay iniutos na i-dismiss sa puwesto.
Matagal na ang 2013 na kinasangkutan ng mga pulis ni Albayalde. Ngayon ay 2019 na at siya ang Hepe ng PNP na puspusan ang kampanya laban sa illegal drugs na pangunahing adbokasiya ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sapul nang mahalal na pangulo noong 2016.
‘Di ba labis ang pagbilib sa kanya ng mga botante nang sa bawat lugar na pinupuntahan ay tahasang sinasabi na tatagpasin ang ulo ng kurapsiyon, itutumba ang drug pushers, users, druglords/ traffickers/ smugglers/ suppliers. Ibinoto siya ng mahigit 16 milyong botante, itinapon sa kangkungan ng pagkatalo sina Mar Roxas at Grace Poe. Sino ang hindi bibilib sa pangakong sa loob ng 3 hanggang 6 buwan, tutuldukan niya ang illegal drugs, at kung hindi ay bababa siya sa puwesto at ibibigay ito sa Vice President?
Matindi ang galit ng ating Pangulo sa tiwali at bulok na mga pulis. Nag-alok pa nga siya ng tig-P1 milyon sa sino mang makapagtuturo o makapagne-neutralize sa “ninja cops”. Sa pagsulpot ng isyu hinggil sa “ninja cops” ng Pampanga PNP noong panahon ni Albayalde, nabahiran ng pagdududa ang mga tao sa kagitingan at katapatan ng PNP sa paglaban sa illegal drugs.
Lumitaw sa ilang pagdinig sa Senado na hanggang ngayon ay nasa serbisyo pa ang 13 “ninja cops” na iniutos na tanggalin sa serbisyo pero idinemote lang pala. Bagamat marami ang naniniwala sa integridad at kahusayan ni Gen. Albayalde sa paglaban sa illegal drugs, hindi maiwasan ang duda ngayon dahil bakit hanggang ngayon ay nasa serbisyo pa ang mga ito at nasa magaganda pa umanong posisyon.
Malapit nang magretiro si Gen. Albayalde, sa Nobyembre 8 na kanyang ika-56 kaarawan. Sana ay maalpasan niya ang krisis na bumabalot sa kanya at sa PNP ngayon. Sayang ang mahabang panahon ng paglilingkod niya sa pulisya.
Sino kaya ang magiging PNP chief matapos magretiro si Albayalde? Ayon sa ulat, dalawang classmate niya sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1986 ang kabilang sa mga kandidato. Sila ay sina PNP chief of operations Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa at directorial staff chief Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan.
Ang dalawang iba pa ay sina Maj. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, PMA Class 1987, at ngayon ay director ng National Capital Region Police Office (NCRP0), at PNP Firearms and Explosives Office (FEO) director Brig. Gen. Valeriano de Leon. Sina Gamboa, Cascolan at De Leon ay dating nagsilbi sa Davao City, ang hometown ni Mano Digong. Ang mapili sana ay iyong karapat-dapat.
Nakatagpo na rin sa wakas ang idolo at itinuturing na hero ni PDu30 na si Russian Pres. Vladimir Putin. Kailan naman kaya sila magkikita ng kaibigan din niyang si US Pres. Donald Trump para magkape sa White House?
-Bert de Guzman