Ang pinakamalalang mass shooting sa Estados Unidos ng America ay ang pangma-massacre ng iisang salarin na nagpaulan ng bala mula sa kanyang kuwarto sa ika-32 palapag ng hotel sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada, sa kumpol ng mga tao na dumadalo sa isang outdoor country music festival noong Oktubre, 2017.
Nitong nakaraang Huwebes, Oktubre 3, inanunsiyo ng may-ari ng hotel, isang kakabit na kumpanya sa ilalim ng MGM Resorts International, ang paglalaan nito ng $800 milyon para sa hinihingi ng pamilya ng 58 na namatay at 800 sugatan.
Ang insidente sa Las Vegas ay isa lamang sa 334 mass shooting na naganap hanggang nitong 2019 sa Amerika kung saan hindi bababa sa apat ang namatay sa bawat insidente na kagagawan ng isang salarin na armado ng armas na kayang magpakawala ng daan-daang bala sa isang kalabit ng gatilyo. Dalawang buwan pa lamang ang nakararaan, noong Agosto, isang lalaki na armado ng isang AK-47 military firearm ang namaril sa mga kostumer ng Walmart mall sa El Paso, Texas, kung saan namatay ang nasa 20 at sumugat sa 26. Ilang oras bago ito, isa pang salarin ang namaril at kumitil sa buhay ng siyam at sumugat sa 27 sa Dayton, Ohio.
Matapos ang bawat insidente ng pamamaril sa Amerika, lulmulutang ang panawagan para sa higit na pagkontrol ng pamahalaan sa mga armas, partikular sa pagbabawal ng mga armas pang-militar at mas mahigpit na panuntunan para sa pag-aari ng mga sibilyan ng armas. Nagkaroon ng maraming protesta matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng mga paaralan. Ngunit walang nagiging anumang hakbang ang Kongreso ng Amerika para magpatupad ng isang batas para sa mas mahigpit na restriksyon sa mga armas, lalo’t maaari nitong labagin ang 2nd Amendment ng US Constitution.
Idinemanda ang MGM Resorts International sa kaso ng Las Vegas ng pamilya ng mga biktima na nag-aakusa ng kapabayaan kung bakit hindi umano napansin lamang ng hotel ang paglalagak ng mga armas sa kuwarto ng salarin. Sa kabila na una pa lamang, legal namang nakakuha ang salarin ng mga armas – na para sa mga kritiko ng gobyerno, ay isa ring kapabayaan na hindi dapat pahintulutan.
Lahat ng ibang mga bansa sa mundo, kabilang ang Pilipinas, ay nagpapatupad ng mahigpit na panuntunan sa pag-aari ng baril. Mayroon din namang ilang kaso ng pamamaril sa maraming bansa, ngunit ang Amerika ang tila may hawak ng rekord para sa pinakamaraming insidente.
Bagamat nakipagkasundo na magbayad ng $800 milyon sa pamilya ng mga biktima ng pamamaril sa Las Vegas noong 2017, iginiit ng MGM Resorts na hindi ito isang pag-ako sa responsibilidad ng nangyaring pamamaril; ito ay para lamang maresolba ang isyu “so our community and the victims and their families can move forward in the healing process.”
Tiyak naman itong makatutulong sa pamilya ng 58 na namatay at 800 nasugatang biktima. Ngunit hindi nito mababago ang mas malaking suliranin na maraming armas ang madali lamang nakukuha at nagpapatuloy sa pagdami sa Amerika. Kaya naman masasabi lamang natin na matapos ang naganap na pamamaril sa El Paso, Texas, inaasahan na natin marami pa ang magaganap na katulad nito.