SA pabago-bagong presyo ng mga produkto ng langis at maging ng kuryente at tubig – kung ito man ay price rollback o price hike – magkakahawig ang katanungan ng sambayanan: Bakit magkakaiba ang presyo ng naturang mga produkto na itinatakda ng iba’t ibang kompanya? Sa naturang tanong, hindi nagbabago ang aking pananaw: Ang kinauukulang mga kompanya ay nag-aangkin ng kapangyarihang magtaas at mababa ng presyo ng kanilang mga produkto alinsunod sa itinatadhana ng Oil Deregulation Law (ODL).

Naniniwala ako na maging ang mga kompanya ng elektrisidad at tubig ay pinangangalagaan din ng mga batas sa pagpapataw o pagbabawas ng presyo ng kanilang serbisyo.

Dahil sa ganitong nakadidismayang sistema ng pagnenegosyo, hindi tumatalab sa ating mga kababayan ang kaginahawahang ipinangangalandakan ng mga oil companies. Manapa, lalong sumisigid ang kanilang pagdurusa, lalo na kung iisipin na ang mga oil company ay magbabawas nga ng katiting na price rollback pero magpapataw naman ng nakalululang oil hike. Maliwanag na pinaghahawakan nila ang nakalulula ring kapangyarihan nila sa ilalim nga ng ODL at mistulang nakatali ang kamay ng gobyerno dahil nga sa kamandag ng ODL.

Ito ang dahilan kung bakit palagi nating binubuhay ang panawagan hinggil sa pagsusog kundi man ganap na pagpapawalang-bisa sa naturang batas. Kaakibat nito ang pag-uukol ng pangalawang sulyap, wika nga, sa Malampaya Oil Exploration Law; makatutulong ito nang malaki sa ating pangangailangan sa langis.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Paigtingin na rin ang pagpapalakas ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na aayuda naman sa mga oil consumers laban sa pagsasamantala ng ilang oil companies. Lubhang kailangan ang pondo para sa pagpapatatag naman ng presyo ng naturang produkto upang pahinain ang epekto ng mga oil price hike.

Maging ang pagpapababa at pagpapataas ng presyo ng ginagamit na nating kuryente ay nagdudulot din ng kalituhan sa ating mga kababayan. Gusto kong maniwala na ito ay sanhi naman ng masalimuot na pagpapahintulot sa mga power company na magpatayo ng mga power producers, tulad nga ng itinatadhana naman ng Energy Power Industry Reform Act (EPIRA). Magugunita na pinagtibay ito dahil sa halos araw-araw na brownout na gumimbal sa atin noong nakaraang administrasyon. Tulad ng hindi mapawi-pawing mga kahilingan, marapat na ring susugan kundi lubos na mapawalang-bisa ang naturang batas.

Dapat lamang pag-ukulan ng pansin ng administrasyon ang nabanggit na mga hinaing upang madami natin ang tunay na kaluwagan na hatid ng makataong pagpapataw ng presyo ng naturang mga produkto at serbisyo; hindi mga biyaya na hindi tumatalab sa ating mga kababayan.

-Celo Lagmay