KUNG palabiro si Pres. Rodrigo Roa Duterte, palabiro rin pala si Russian Prime Minister Dmitry Medvedev na sumalubong sa kanya sa Moscow para sa limang-araw na state visit. Ang tema ng kanilang biruan o joke ay tungkol sa “white house” sa Russia na mas malaki at better kaysa “white house” sa United States.
Sa pag-welcome at pagbati ni PM Medvedev sa ating Pangulo na isinalin sa English ng Reuters news agency, ganito ang pahayag:
“I am very glad to welcome you to Moscow, in the house of the Russian government. It is sometimes called the white house, but it is not the white house which is in another country. It is the house of the Russian government, although it is sometimes called the white house, but it is bigger and better (laughs)”.
Well, tumugon si PRRD sa biro at sinabing siya ay nagagalak na muling makadaupang-palad ang PM. “Salamat sa mainit na pagtanggap at hospital sa akin at sa aking delegasyon.” Ang dalawang lider ay unang nagkita at nagkausap sa Association of Southeast Asian Nations Summit noong 2017 sa Maynila. Paiinitin pa raw ni Mano Digong ang relasyon ng PH at Russia bagamat napakalamig ngayon doon.
Bulong sa akin ng dalawang kaibigan habang nagkakape: “Kelan naman kaya magtutungo ang Pangulo sa US para sila mag-usap at magkape ng hinahangaan niyang US Pres. Trump at mapagkumapara ang “white house” ng Russia sa “white house” ng Washington D.C?” Tugon ko: “Ayaw niyang magpunta sa US dahil malayo raw at hindi na kaya ng kanyang katawan”. Eh, ‘di ba mas malayo ang Russia sa US?
Noong araw na nakikinig ako sa pagbabalita ng yumaong si Rafael “Paeng” Yabut na napakabilis magsalita tulad ngayon ni Mike Enriquez, ang translation o salin niya sa “white house” ay Bahay na Puti. Tanong: “Ang white house kaya sa Russia ay puti rin tulad ng Bahay na Puti sa Washington D.C?
Makabubuting itanong ito kay Mocha Uson na kasama sa Russian trip ni PRRD. Bukod kay Mocha na hinirang ni Mano Digong bilang OWWA deputy administrator, ang 15 cabinet execs na isinama ni PDu30 sa Moscow ay sina DFA Sec. Teodoro Locsin Jr., Executive Sec. Salvador Medialdia, Finance Sec. Carlos Dominguez, Agriculture Sec. William Dar, Labor Sec. Silvestre Bello III, Defense Sec. Delfin Lorenzana; Trade Sec. Ramon Lopez, DENR Sec. Roy Cimatu, DILG Sec. Eduardo Ano, DOST Sec. Fortunato dela Pena, at Energy Sec. Alfonso Cusi. Kasama rin sa delegasyon sina PCOO Sec. Martin Andanar, presidential spokesman Salvador Panelo at Seretary of the Cabinet Karlo Nograles.
Siyanga pala, habang sinusulat ko ito (Oktubre 3), sinabi ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na hindi siya magre-resign sa gitna ng alegasyon na siya ay “ninja cops coddler.” Itinanggi niya ito. Sa banner story ng isang broadsheet noong Huwebes (Okt 3,2019), ganito ang nakalagay: “Albayalde: I will not resign.”
Sa isa pang balita, nakalagay naman ang pangamba ni Baguio City Mayor at dating PNP CIDG chief Benjamin Magalong sa kanyang buhay at pamilya dahil sa pagbubunyag sa Senate executive session ng umano’y ninja cops, na roon ay kasama si Gen. Albayalde. “Magalong says he is receiving death threats.”
-Bert de Guzman