“MAYROON nang listahan na maaaring ginamit ng Pangulo na batayan. Ito iyong panahon ni Senator Bato. Ayon kay Presidential Spokesperson Panelo, nanatiling may tiwala sa akin ang Pangulo,” wika ni Philippine National Police Spokesman Oscar Albayalde sa kanyang panayam sa radyo nitong nakaraang Sabado.
Ipinahiwatig niyang hindi siya ang tinutukoy nang sabihin ni Pangulong Duterte sa Russia na may dalawang heneral na sangkot sa illegal drugs. Makatarungan lang, aniya, na mag- imbestiga ang Pangulo hinggil sa pagkakadawit niya sa ninja cops o mga pulis na inuumit ang bahagi ng nakumpiska nilang droga. Kumalat sa isyu ng ninja cops o narcos in uniform ang imbestigasyong isinasagawa ng Senate Blue Ribbon Committee na ang pangunahing tinutukan nito ay ang pagpapalaya ng mga preso na pinaigsi ang kanilang hatol sa maanomalyang pagpapairal ng Good Conduct Time Allowance Law. E, nasentro ang imbestigasyon sa mga nagaganap sa Bureau of Corrections kung saan nahayag sa komite ang talamak na bentahan ng droga sa bansa na sangkot ang mga high profile inmates. Sa mga ito ibinabagsak ang bahagi na kinakaltas ng mga ninja cops sa mga nasabat nilang bulto-bultong droga para ibenta.
Hindi nakaligtas sa Blue Ribbon Committee ang nangyaring buy-bust operation o raid sa isang subdivision sa Mexico, Pampanga ng intelligence group ng Pampanga police station na ang pinuno noon ay si PNP Chief Albayalde. Sa operasyong ito, nakumpiska ang 200 kilogram ng shabu, subalit maliit na bahagi lamang ang ini-report ng mga pulis at ibang tao ang iprinisinta sa publiko na kanilang nadakip. Pinalaya ang umano’y salarin na si John Lee sa halagang 50 milyong piso. Ang mga pangyayaring ito ay inilahad sa komite ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong nang siya ay Chief ng Crime Intelligence and Detection Group na nag-imbestiga nito. Nasibak sa puwesto si Albayalde at ipinatanggal sa serbisyo ang 12 pulis sa pangunguna ni P/Insp. Baloyo sa kautusan ni Gen. Petrosanta. Nadiin si Albayalde nang aminin ni Gen. Aaron Aquino, pumalit sa puwesto ni Albayalde, nang tawagan at sabihan siya nito na huwag ipairal ang dismissal order laban sa mga pulis dahil bata raw niya ang mga ito.
Tama si Albayalde, hindi siya ang heneral na binanggit ng Pangulo sa Russia na sangkot sa droga. Paano nga naman siya, eh ayan na nga si Pangulong Duterte at inamin niyang nagkamali siya. Sa kanyang talumpati sa Davao, nang dumating siya mula sa Russia, sinabi niya na nalito lamang siya sa pagbanggit ng heneral, colonel lang ang nasa isip niya. Iba talaga si Pangulong Digong. Napakalakas ng loob niyang magkamali at magbigay ng maling impormasyon kahit sa labas ng kanyang bansa. Ang sinabi niya hinggil sa dalawang heneral ay sa publiko pa, sa harap ng mga opisyal at mamamahayag ng isa sa mga world powers.
-Ric Valmonte