NAWALAN na kami ng ganang manood ng local TV series na halos magkakapareho na ang konsepto at kuwento. More of the same, ‘ika nga.
May pagkakataon kasi na aakalain mong replay ang ipinapalabas dahil iyon at iyon din ang mga artista, eksena, istorya, acting, dialogs, at pati mga anggulo ng kamera.
There are more to life than watching anemic and recycled stories/concepts on television, pero nagbabakasakali pa rin kaming sisipagin na uli ang TV production people kaya mula sa pagtatanim sa bukid, binubuksan namin ang TV set paminsan-minsan.
Nitong nakaraang Biyernes, si Roderick Paulate ang natiyempuhan naming bumulaga sa screen nang i-on namin ang TV. Tinutuksu-tukso si Dick ng seksing si Maureen Larrazabal.
Hayun, naalibadbaran si Dick, na parang uod na binudburan ng asin ang pamimilipit ng katawan kasabay ang umaarku-arkong kilay.Ilang seconds pa lang, alam na this kaagad ang role niya -- closet queen.
‘Di ko ikahihiya na napahalakhak ako nang malakas ni Roderick Paulate habang isinusukat ang kanyang ipinagkakatagu-tagong red gown. Matagal nang panahong walang ganito sa TV. Subukan din ninyo, mahusay pa ring stress buster si Roda.
Hindi na ako nakapag-surf sa ibang channel, gaya ng madalas mangyari tuwing primetime, na-hook na ako sa panonood.GMA-7 ang muling kumuha kay Roderick para umarte, at maraming salamat. Isinama siya sa sumisikat na love team nina Ken Chan at Rita Daniela na una nang nagkaroon ng followings sa My Special Tatay.
Maraming salamat dahil matagal na rin namang puro seryosong soap opera ang napapanood sa primetime. Epektibo ang naisip ng Siyete na ibalik ang light viewing fare habang nagpapahinga mula sa trabaho ang mga tao.
Walang masyadong nakapansin, pero tinanggal na ng networks ang sitcoms. Fixated na sila sa recycled concepts.
Pero sa lakas ng dating ni Roderick sa One of the Baes, huwag nang pagtakhan kung may magsunurang production unit para gumawa rin ng comedy sa primetime.Sa panahong ito, higit na kailangan ng bansa ng totoong comic relief.
Naririto ang aking post sa Facebook bilang reaksiyon sa nakakatuwang pagbabalik sa limelight ni Roda, kasunod ang reaksiyon ng ilang kasamahan sa panulat at kaibigan:
“Nakakatuwa pa ring panoorin si Roderick Paulate, hehe... Siya talaga ang classic humawak ng closeta roles.
“One for the books uli ng role niya sa One of the Baes ng Siyete.“Sa wakas, may light comedy na uli sa primetime na matagal nang tinatadtad ng mga seryosong series.”Comment ni Charina Clarisse Echaluche ng Definitely Filipino news site: “Totoo po!
Nakaka-miss iyong old school comedy huhu. Super nakaka-GV (good vibes) sila rito.”Ayon naman kay Katotong Jemuel Salterio: “No one else comes close... Nag-iisa si Roderick Paulate.”
“Nice team up and comedy,” komento ni Ms. Cora Robles Ebarvia
“Ahah, kaya nga po, eh, parang bumalik ako sa mga pelikula noon,” sabi naman ni Ms. Kristine Ronx.
Bukod sa pasasalamat, may isa pa kaming sadya ang pagsusulat ng item na ito, para makiusap sa GMA-7 na sana’y dalasan ang mga eksena ni Roderick Paulate sa One of the Baes.
-DINDO M. BALARES