NAGSAGAWA ng isang test-fires nitong Miyerkules ang North Korea para sa isang ballistic missile na lumalabas na pinakawalan mula sa isang submarine sa dagat na bahagi ng hilagang-silangan ng Wonsan, North Korea. Natukoy ng South Korea ang missile, na ang ilang parte ay bumagsak sa katubigang bahagi ng 200-mile Eclusive Economic Zone ng Japan. Ipinrotesta ito ni Japan Prime Minister Shinzo Abe bilang isang paglabag sa United Nations Security Council resolution.
Matindi ang pangamba ng Japan lalo’t bumagsak malapit sa teritoryo nito ang ilang bahagi ng missile, tulad ng maraming nauna nang pinakawalan. Dati nang dumaan sa Japan at bumagsak sa bahagi ng Karagatang Pasipiko sa direksiyon ng Amerika ang pinakawalang long-range intercontinental ballistic missiles ng North Korea. Ito ay nangyari sa mga panahong matindi ang palitan ng mga banta ng North Korea at US hinggil sa pagsiklab ng digmaang nukleyar, bago tuluyang nagkasundo ang dalawang bansa para sa isang usapang pangkapayapaan noong 2018.
Hunyo 2018, nagpulong sina US President Donald Trump at North Korea Leader Kim Jong Un sa Singapore, na sinundan ng ikalawang pagkikita sa Hanoi, Vietnam, noong Pebrero, 2019. Ngunit biglaang naputol ang summit nang walang nakakamit na kasunduan, na kalaunan ay sinabi ni Trump na dahil sa kagustuhan ng North Korea na wakasan ang lahat ng parusa (sanction) na ipinataw ng US dito. Iginiit naman ng North Korean Foreign Ministry na nais lamang ng kanyang bansa ang bahagyang pagtanggal sa mga sanction.
Walong buwan na ang nakalipas, nang walang nagaganap na pag-usad sa usapang pangkapayapaan hanggang sa muling magkasundo ang dalawang bansa na muling buksan ang usapin ngayong buwan. Ang naging paglulunsad nitong nakaraang Miyerkules ng missile ay napapanahon para sa inaasahang pagpupulong. Malinaw na nananatiling banta ang North Korea na hindi dapat balewalain.
May bagong elemento sa inilunsad na missile test nitong nakaraang linggo. Pinaniniwalaan itong pinakawalan gamit ang isang submarine. Maaaring mabura ang North Korea sa isang kaso ng nukleyar na digmaan, tulad ng pagbabanta ni President Trump, ngunit hindi naman dito magtatapos ang banta ng nucleyar mula sa mga submarine nito.
Kinumpirma na ng mga opisyal ng magkabilang bansa nitong nakaraang linggo na muli nang bubuhayin ang negosasyon ngayong Linggo, bagamat walang detalyeng ibinahagi. Napaulat din ang kagustuhan umano ng mga opisyal ng North Korea na muling maituloy ang pulong matapos mapatalsik si John R. Bolton, na matagal nang kilala sa mga agresibo nitong pananaw sa Korea, bilang national security adviser ni Trump.
Hangga’t magpapatuloy ang usapang pangkapayapaan, umaasa tayong hindi titingnan ng US ang naganap na submarine-launched missile test, bilang isang bagong banta upang magpatuloy ang usapan para sa pagkamit ng isang kasunduan sa North Korea, na magbibigay ng wakas sa matagal nang banta sa kapayapaan sa bahaging ito ng daigdig.