KUNG totoo ang mga hinala o sapantaha na nakapupuslit ang bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BoC), patuloy ang negosyo at pamamayagpag ng drug lords sa New Bilibid Prisons (NBP), at mismong mga tauhan ng Philippine National Police ang nagre-recycle ng nakukumpiskang mga droga, magiging balewala ang layunin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na lipulin ang illegal drugs sa Pilipinas. Matatapos ang kanyang termino, mayroon pa ring illegal drugs sa ‘Pinas.
Sa pagdinig sa Senado noong Martes, nagisa si PNP Chief General Oscar Albayalde sa isyu ng “ninja cops” o mga tiwaling pulis na kanya raw kinunsinti noong siya pa ang provincial commander ng PNP sa Pampanga.
Mismong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na noon ay hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang nagsiwalat na 13 tauhan ni Albayalde sa Pampanga ang nakakumpiska ng 200 kilong shabu na nagkakahalaga ng P700 milyon sa raid sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 29,2013, pero tanging 38 kilo lang ang idineklara ng raiding policemen.
Bukod dito, ayon kay Magalong, ang drug suspect na si Johnson Lee ay pinalaya matapos magbigay ng P50 milyon. Isang Tsino ang ipinalit sa kanya na nahuli umano sa Clark Field, Pampanga. Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, bahala si PRRD kung ano ang kanyang gagawin kay Albayalde.
Sang-ayon si Gordon sa findings ng PNP internal probe sa pamumuno ni Magalong at ng korte na nagsabing may cover-up sa 2013 drug raid. Mahigpit na itinanggi ni Albayalde na kinunsinti o siya ay “ninja cops coddler” kaugnay ng insidente sa Mexico, Pampanga noong 2013. Kinuwestiyon niya ang motibo ni Magalong kung bakit ngayon lang ito naungkat at hindi noong siya ay PNP CIDG chief pa.
Lubhang masalimuot ang mga bagay-bagay at usapin tungkol sa illegal drugs na sangkot ang malalaking halaga ng pera. Ang salapi na dulot ng droga at mga padulas ng drug lord ay maituturing na demonyo sa kampanya ng ating Pangulo na sugpuin ang salot na ito ng lipunan na sumisira sa utak ng mga Pilipino, lalo na ng kabataang lalaki at babae.
Kung sa bagay, hindi nakapagtatakang ang pera o alahas o kalansing ng pilak ang mabangis na tuksong nagpapalabo sa matinong kaisipan ng mga alagad ng batas, ng mga opisyal ng gobyerno at maging ng mga mamamayan.
Hindi ba maging noong panahon ni Jesus Christ, kalansing din ng pilak ang sumilaw kay Hudas Iskariote upang ipagkanulo ang Panginoon? Si PDu30 kaya ay ipagkakanulo rin ng kanyang mga tauhan sa PNP, BOC, BIR, NBP at iba pang ahensiyang tumatabo ng pera mula sa buwis ng mga kawawawa at nagdurusang Pinoy?
-Bert de Guzman