SA lunsod ng Iloilo, inereklamo ng mga samahan ng mag-aaral at union ng mga manggagawa ng University of the Philippines sa Visayas ang patuloy na Red-tagging ng mga grupo ng mga aktibista.
Sa paskil na inilagay sa entrada ng UP Visayas campus sa Malig-ao, Iloilo, inaakusahan ang grupo ng mga estudyante at kabataan na ginagamit ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front. Kaparehong posters ang nakikita sa ibang mga nayon malapit sa Mag-ao. Ang mga grupong pinangalanan sa mga posters ay Kabataan Anakbayan, Student Christian Movement of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, League of Filipino Students, Oikas Ecological Movement, Sandigan ng mga Mag-aaral para sa Sambayanan (Samasa) at National Union of Students of the Philippines.
Ayon sa mga estudyante, lumitaw ang mga posters pagkatapos lumahok ang daan-daang mga mag-aaral sa kilos-protesta sa ika-47 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni dating Pangulong Marcos. Daan-daan ding mga estudyante ang sumama sa UP system wide walkout laban sa pagpapadala ng mga sundalo at pulis sa mga campuses sa bansa. “Talagang natatakot sila sa lumalakas na kilusan ng mga estudayante na nakita sa mga sunod-sunod na matagumpay na protesta tulad ng nakaraang mobilisasyon laban sa Marcos’ martial law at laban sa mapaniil na Pangulong Duterte noong Setyembre 20 at ng kanilang paglabas sa kanilang mga klase laban sa campus militarization,” wika ng mga samahan sa kanilang sama-samang pahayag. Tinatakot, anila, ang mga student activists sa pamamagitan ng Red-tagging, dahil karamihan sa mga naging biktima ng extra-judicial killing ay nilalagyan ng tag na sila ay pulahan bago sila patayin. “Hindi lang malisyoso sa mga samahan at mga kasapi nila ang Red-tagging kundi inilalagay pa nito sa panganib ang kanilang kaligtasan,” dagdag pa nila “Itong Red-tagging ay mapanganib lalo na sa panahong ngayon na nilalapastangan at pinapaslang ang mga kritiko. Ang maling akusasyong ito ay naglalagay sa mga estudyante sa panganib na tumitindig para sa karapatan at kapakanan ng taumbayan,” pahayag naman ng ALL UP Academic Employee Union.
Hindi na natuto sa nakaraan ang mga taong gobyerno lalo na ang militar. Maaaring karamihan na nasa security forces ngayon ay wala pa noon nang ang bansa ay nasa ilalim ng Marcos martial law. Pero, bahagi ito ng kasaysayan na dapat kapulutan ng aral. Itinuturo nito na napakahirap masawata ang sektor ng mag-aaral at kabataan sa pag-alma o pag-alsa laban sa mga hindi magandang nangyayari sa bansa. O baka dahil natuto sila sa nakaraan, kaya nila binubalabog ang mga eskwelahan. Pero, hindi rin ito paraan para mapatahimik ang mga mag-aaral. Sila kasi ang unang nakakaalam ng problema na bukod sa napag-aaralan, nararamdaman nila. Sila ang mga nauunang pumapasan at biktima ng kahirapan at kagutuman. Panahon na nila ngayon. Walang ibang kikilos at magtatanggol nito kundi sila at matibay ang kanilang pananalig sa kanilang sariling lakas. Ang mga samahan ng mga estudyante at kabataan na kinaiinitan ngayon ng mga nasa gobyerno ay sila rin ang mga samahang nakaagapay ng taumbayan nang gibain nila ang moog ng diktadurang itinatag ng malupit at mapaniil na Marcos martial law. Nasubok na ang kanilang puwersa at ayaw nilang ipagkatiwala sa nakatatanda ang kanilang kinabukasan lalo na sa panahon ngayon na wala silang nakikitang magandang ehemplo sa kanilang mga pinuno maliban sa pumapatay, nanakot, nambabastos at nagmumura.
-Ric Valmonte