WALANG tatalo sa University of Santo Tomas – sa beach volleyball.
Nakompleto ng Golden Tigresses, sa pagkakataong ito ang tambalan nina Babylove Barbon at Gen Eslapor, ang dominasyon na ggapiin ang De La Salle pair nina Tin Tiamzon at Justine Jazareno para sa ika-apat na sunod na kampeonato sa UAAP Beach Volleyball Tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.
Nakopo ng UST ang ikapitong women's championship at una sa post-Sisi Rondina era.
Tinanghal na MVP si Barbon, pumalit sa iniwang puwesto ng graduating na si Rondina, para sa Tigresses' dynasty.
"Sobrang saya kasi yung goal namin ay ma-defend ang crown. Nagawa po namin siya. Inalay po namin yung game sa UST, sa mga taong naniniwala sa amin at lalong lalo na kay ate Sisi," pahayag ni Barbon.
"Ilang din years siyang nag-champion kaya ayaw naming mabigo siya. Iniwan niya ang team na laging nagtsa-champion kaya kailangan naming ituloy na laging champion," ayon sa pambato ng Quezon, Bukidnon.
Kinailangan lamang ng Tigresses na gapiin ang Lady Spikers 21-14, 20-22, 15-12, sa Finals opener para sa titulo.
"Sobrang galing din nila po," sambit ni Barbon.
Nahila nina Barbon at Eslapor ang winning run ng UST sa 29 mula noong 2016.
"May chemistry talaga po kami kasi ilang off-season leagues kami na sinasalihan. Doon kami kumukuha ng idea kung paano maglaro dito sa UAAP,"aniya.
Nakamit naman nina Roma Mae Doromal at Ponggay Gaston ng Ateneo ang Rookie of the Year honors.