NAISALBA ng Marinerong Pilipino ang matikas na pagbalikwas ng BRT Sumisip Basilan-St. Clare sa krusyal na sandali para maitakas ang 69-59 panalo sa Game One ng 2019 PBA D-League Foundation Cup championship nitong Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Kumasa si Rev Diputado sa naiskor na 12 puntos, kabilang ang krusyal na opensa sa gitna nang rally ng St. Claire para maibigay ang 1-0 bentahe sa Skippers sa kanilang best-of-three championship series.
Sa kabila nito, hindi naging masaya si coach Yong Garcia sa ipinamalas na inconsistency ng Skippers matapos humarurot sa 19 puntos na bentahe sa halftime, 43-24, ngunit naibabaw sa pito sa second half.
“Yun ang naging problema namin before at lumabas ulit,” aniya.”Dapat pagdating ng Game Two, hindi kami dapat parang roller coaster. Dapat mag-stick kami sa gameplan namin.”
Umabante ang Skippers sa 19-5 sa unang limang minuto para napalobo ang bentahe sa 19 sa halftime.
Subalit, naging malamig ang opensa ng Skippers sapat para makabawi ang Saints, sa pangunguna ni Mohammed Pare para maidikit ang iskor sa 64-57, may 1:52 sa final period.
Naisalpak ni Eloy Poligrates ang magkasunod na jumper para tuldukan ang paghahabol ng Saints at hilahin ang winning streak ng Skippers sa 10-0 at makalapit sa kasaysayan bilang ikatlong koponan sa liga na nagkampeon na may perpektong marka sa likod ng NLEX (2012) at 2014 Foundation Cups.
Kumamada si Poligrates ng pitong puntos, pitong assists at apat na steal.
Targer ng Marinerong Pilipino na makumpleto ang sweep sa Game 2 sa Miyerkoles sa Cuneta Astrodome.
Hataw si Jhaps Bautista sa BRT Sumisip-St. Clare na may 17 puntos, habang kumana si Malian Pare ng 14 puntos at 12 rebounds.
Iskor:
MARINERONG PILIPINO (69) -- Diputado 12, Poligrates 9, McAloney 9, Santillan 8, Alabanza 6, Rios 6, Ayonayon 4, Clarito 4, Mangahas 4, Yee 4, Villarias 3, Sara 0.
BRT SUMISIP BASILAN-ST. CLARE (59) -- Bautista 17, Pare 14, Fontanilla 7, Hallare 7, Gabo 5, Collado 3, Dumapig 3, Batino 2, Manacho 1.
Quarters: 21-8, 43-24, 54-41, 69-59.
Mga Laro sa Miyerkoles
(Cuneta Astrodome)
Game 2 Best-of-3 Finals
1:00 n.h. -- St. Clare vs Marinerong Pilipino
Skippers, 1-0.