KAILANGAN ng tanggapin ng jeepney operators na hindi na talaga maiiwasan ang pag-phaseout sa kanilang mga lumang sasakyan pagsapit ng Hulyo 2020. Nagsagawa sila ng isa pang jeepney strike nitong nakaraang Lunes, ngunit sa kabila ng mga sinasabi nilang naging matagumpay ito, tila hindi naman ito nakaapekto sa pang-araw-araw na gawain ng mga taga-Metro Manila.
Isa sa mga dahilan nito ay ang maagap na aksiyon ng gobyerno sa pagsususpinde ng mga klase. Pinunan naman ng iba pang transportation systems ang karaniwang serbisyo ng mga jeepney.
Dalawang taon na simula nang ipahayag ng Department of Transportation (DOTr) ang Public Utility Vehicle Modernization Program. Ang modernisasyon ng mga behikuo ay isa lamang sa mga bahagi nito. Ang isa pa ay ang bagong sistema ng pagbibigay ng mga bagong prangkisa, pagbibigay ng function ng route planning sa mga lokal na sangay ng pamahalaan, dahil itinuturing silang higit na may alam sa mga lokal na kalsada at pangangailangan ng mga pasahero kaysa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ngunit ang pangunahing bahagi ng programa ay ang phase-out ng mga lumang jeepney, na ang ilan ay noon pang panahon ng Liberation nagsimula dahil ang mga ito ay mga orihinal na jeep ng American Armed Forces. Ang mga jeep na ito ay papalitan na ngayon ng mga behikuo na mayroong Euro-diesel engines o electric motors, para magkaloob ng mas ligtas na biyahe habang tumutulong na maibsan ang masasamang epekto ng climate change. Sa isang pag-aaral ay natuklasan na ang isang lumang jeepney ay tumatakbo ng halos dalawang kilometro sa bawat isang litro ng diesel, habang ang mga bagong makina ngayon ay kayang tumakbo ng 12 hanggang 14 na kimometro sa parehong dami ng gasolina.
Ang pangunahing reklamo ng jeepney operators ay ang gastusin; ang bagong units ay nagkakahalaga ng P1.2 hanggang P1.8 milyon bawat isa ngunit inalok ang mga operator ng pitong taong pautang na may 6 porsyentong interes, dagdag pa ang mga subsidiya mula sa LTFRB at Kongreso na may kabuuang P170,000. Iniulat ng LTFRB na mayroong 5,600 jeepney operators na ang tumanggap ng aid program.
Panahon na nga talaga para mag-move on. Maraming mga taga-Metro Manila ang nasanay na sa ibang transport system, kabilang ang light rails, mga bus, UV public service vans, app-based ride hailing services at mga taxi. Nagbigay na ng allowance ang pamahalaan hanggang sa makakaya nito sa porma ng mga iniaalok na pautang at mga subsidiya.
Maraming tao ang mas gusto pa ring sumakay sa jeepney dahil sa mas murang pamasahe at pamilyar at mas maiikling ruta ng mga ito. Kailangan natin sila ngunit kailangan din nating magbago kasabay ng panahon. Huwag na nating pahabain pa ang pagpapaliban sa deadline ng phase out sa mga alaalang ito ng mga panahon ng digmaan.