NAKIPAGHATIIN ng puntos ang Far Eastern University sa defending champion La Salle, 2-2, para makaabante sa solong pangunguna matapos ang anim na rounds sa UAAP Season 82 Women’s Chess Tournament nitong Linggo sa UST Quadricentennial Pavilion.

Nakauna ang Lady Tams nang magtabla sina dating national champion Shania Mae Mendoza sa ika 36-move ng Queen’s Pawn London System kontra Olympiad teammate Marie Antoinette San Diego sa Board One, bago nagapi ni Rizalyn Jasmine Tejada si Franchell Eds Javier sa 45 moves ng Pirc Defense sa board four.

Ngunit, nakabawi ang Lady Archers nang manaig si Ella Grace Moulic kay Bea Mendoza sa ika-40 sulong ng Caro-Kann sa Board 3, at nagtabla sina Samantha Glo Revita at Marife dela Torre sa ika-71 sulong ng Slav formation sa board four ng torneo.

Matapos ang anim na rounds, nangunguna ang FEU na may 18 puntos, tatlong puntos ang abante sa La Salle (15).

Nagtabla rin ang Ateneo at National University sa 2-2.

'Keep it up!' Manny Pacquiao, proud na proud kay Alex Eala

Sa men’s division, binokya ng Far Eastern University ang University of the Philippines, 4-0, para manatili sa unanan ng team standings matapos ang anim na round.

Abante ang Morayta-based woodpushers ng apat na puntos sa University of Santo Tomas, nagwagi sa National University, 2.5-1.5.

Sa iba pang resulta, nanaig ang Ateneo sa La Salle, 2.5-1.5, at ginapi ng Adamson ang University of the East, 2.5-1.5.