Ayon kay Metro Manila Police Chief Guillermo Eleazar, apat na law enforcement agencies na tinaguriang “Quad-Intel Force” ang pinagsama sa layuning habulin ang mga sindikato ng droga at ang kanilang mga police protector. Binubuo ang bagong task force na ito ng mga ahente ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines.
“Ang mga nakaraang mga ulat hinggil sa pagkakasangkot ng mga tiwaling pulis sa negosyo ng droga ay hindi lang nakakaapekto sa morale ng law enforcement agencies na humahabol sa mga sindikato ng ilegal na droga kundi nakakasira sa pagsusumasig ng Pangulo na malutas ang problema ng droga,” wika ng apat na ahensiya sa kanilang pinagsamang pahayag. Ang lahat, aniya, ng mga matagumpay na nagawa ng kampanya laban sa droga ay naisantabi ng mga balita hinggil sa mga maling gawain ng mga tinatawag na ninja cops at mga narcos in uniform.
Ang binansagang ninja cops ay ang mga pulis na nagtitira sa kanilang mga nasabat na droga upang sila naman ang magbenta. Hindi nila inihahayag ang lahat ng kanilang mga nakumpiskang droga. Ang kinakaltas nila sa mga ito ay siya naman nilang ibinabalik sa pamilihan. Dahil hindi sila mismo ang hayagang makapagbenta, humahanap sila ng kanilang taga-benta. Sa paglabas na naman ng balitang ninja cops at narcos in uniform, sumulpot si Barangay Captain Guia Gomez Castro na umano ay “drug queen.” Ayon sa ilang mga senador, diversionary tactic lang itong pagpapalitaw ng mga pulis kay Castro. Nais lang daw ialis ang mata ng publiko sa ninja cops at narcos in uniform. Itinanggi ito ni Gen. Eleazar. Aniya, lagi nilang binabantayan ang babaing ito at base sa timeline ng kanilang operasyon, lagi nilang hinahanap ito mula 2015-2018.
May “drug queen” dahil may ninja cops. May “pork barrel queen” dahil may pork barrel na mambabatas. Hindi nagkakaiba ang trabaho ni “drug queen” Castro at “pork barrel queen” Napoles. Tinutulungan nila para rin sila kumita ang mga ninja cops at mga mambabatas na naghahangad kumita sa maanomalyang paraan. Nagkakaiba lang ang dalawa sa salaping kinukunan nila ng porsyento. Si “drug queen” Gomez ay kumukuha ng kanyang bahagi sa salaping napagbentahan niya ng ilegal na droga. Ang ilegal na drogang ito ay ang kinupit ng mga pulis sa mga drogang nasabat nila sa kanilang operasyon at ipinabebenta sa kanya. Si “pork barrel queen” Napoles ay namomorsyento sa pork barrel ng mga mambabatas na inihahanap niya ng paraan para nila ito maibulsa. Kaya itong mga mambabatas na mahilig sa pork barrel ay mga ninja cops sa Kongreso.
-Ric Valmonte