ISANG linggo matapos magtalupati ang isang 16-anyos na batang Swedish sa harap ng mga pinuno ng mundo sa hindi paggawa ng sapat na hakbang upang pigilin ang climate change, balik na naman ang mundo sa nakaugalian nito, lalo na ang mga bansang sinasabing pinakaresponsable sa pagbabago ng klima na isang malaking peligro para sa mundo.
Nagsalita ang batang babaeng si Greta Thunberg sa Climate Change Action Summit na inorganisa ng United Nations (UN) Secretary General Antonio Guterres sa UN headquarters sa New York City. Inilahad nito na ang mga pinuno ng munod ay binibigo ang mga kabataan dahil sa kawalan nila ng aksyon.
Sa kanyang sariling talumpati, inihayg ni Secretary General Guterres na “Nature is angry. And we fool ourselves if we think we can fool nature, because nature always strikes back, and around the world nature is striking back with fury.” Tinutukoy niya ang tumataas na bilang ng mararahas na mga bagyo at unos, ang mabilis na pagkatunaw ng mga glacier sa polar regions at ang pagtaas ng lebel ng tubig bilang resulta.
Sinisisi ng mga siyentipiko ang climate change sa pagtaas ng temperatura, na dahil naman sa tumataas ding carbon dioxide emission at iba pang mga nakakasulasok na mga usok na pumupunta sa ating hangin ng mga industriya sa mundo. Ang Estados Unidos, bilang pinakamalaking bansang industriyal, ay sinasabing pinakamalaking pinagmumulan ng polusyon, ngunit ito lang ang bansang tumanggi sa Paris Climate Change agreement na nagbibigay limitasyon sa pagtaas ng temperatura ng mundo sa 1.5 degrees na mas mababa sa pre-indutrial levels.
Kinutya naman ni US President Donald Trump si Thunberg sa Twitter, at nagsabing “She seems like a very happy young girl looking forward to a bright and wonderful future, “ na sa katotohanan ay sinasabihan niya si Trump, kasama ang iba pang pinuno ng mundo sa kanyang talumpati sa UN ng “You are failing us.”
Naglabas ng isang special report noong nakaraang linggo ang UN-backed Inter-government panel sa Climate Change sa hindi mapipigilang pag-init ng dagat ng mundo at ang mabilis na pagkatunaw ng mga nagyeyelong bahagi ng mundo. Hindi na masyadong magiging produktibo ang mga sakahan malapit sa dagat dahil sa pagpasok ng tubig alat dito. Magkakaroon din ng maraming bagyo. Maraming lugar din ang matutuyo, ang ilan ay labis naman ang pag-ulan. Mas magiging kakaunti na rin ang nahuhuling isda dahil sa pag-init.
Ayon naman sa isa pang ulat ng Global Peace Index 2019, sinabi dito na ang Pilipinas ay ang pinakamaaaring tamaan ng mga sakuna na dala ng climate change, na sinundan ng Japan, Bangladesh, Myanmar, China, Indonesia, India, Vietnam at Pakistan.
Mayroon namang sariling pambansang programa ang Pilipinas na sumusuporta sa Paris Agreement, kasama na ang pangangako na hindi na masyadong dedepende sa coal at iba pang mga fossil fuels at mas sasandig na sa renewable energy. Ang kontribusyon naman natin ay higit na mas mababa kesa sa US, China, India at iba pang higante sa industriya.
Ngunit kailangan pa rin nating magpursige at umasang ang lahat, lalo na ang mga pinakamalalang naglalabas ng polusyon, na maaaring mas madalas na ring tamaan ng mga malalakas na bagyo, heat wave at pagbaha, na makikiisa at gawin ang parte upang mapigilan ang isang nakamamatay na kinabukasan para sa buong sangkatauhan.