DAVAO CITY – Hindi na nakapalag ng isang aktibong pulis nang damputin ito ng mga kabaro na sa ikinasang buy-bust operation sa Davao City, nitong Miyerkules ng gabi.
Kahapon, iniharap ng Davao City Police Office at ng Police Regional Office (PRO) 11 sa mga mamamahayag si Staff Sgt. Elcelito Colita, nakatalaga sa Marilog Police Station, at Glenn Art Muring, kapatid ni Davao City Police Administration Section chief, Maj. Peter John Muring.
Nagsagawa ng anti-illegal drugs operation ang Drug Enforcement Team ng Talomo Police Station laban sa dalawa sa labas ng University of Southeastern Philippines sa Barrio Obrero, dakong 8:40 ng gabi.
Nasamsam kay Muring ang 10 sachet ng iligal na droga habang nasamsam naman kay Colita ang cal.99mm pistol na service firearm nito.
Kaugnay nito, dismayado naman si PRO 11 regional director Brig. Gen. Marcelo Morales sa insidente at sinabing iniutos na niya ang pagsibak sa puwesto kina Capt. Merlito Tubog, station commander ng Marilog Police Station dahil sa command responsibility at Maj. Muring dahil sa pagkabigong abisuhan ang kanyang kapatid na itigil na ang iligal na gawain nito.
“I cannot contain my emotions upon hearing that, again, one of my men was involved in illegal drug activities. I am furious and sad at the same time that despite the efforts of the command to guide and mold our police officers in the region to be the best in their given field, and yet, this report involving, a police officer, Police Staff Sergeant Elcelito Macarandan Colita, assigned at Marilog Police Station, in illegal drugs was beyond unacceptable,” sabi pa ng opisyal.
-Armando Fenequito, Jr.