HINDI nagsayang ng pagkakataon ang defending champion Saint Clare College of Caloocan, Philippine Merchant Marine School, Enderun Colleges at Saint Francis of Assisi College sa quarterfinals ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) nitong Miyerkules sa Caloocan Sports Complex.
Umarangkada agad ang Saint Clare laban sa De La Salle Araneta University, 12-0, at ito ay naging sapat para maitala ang 83-65 na panalo. Namuno para sa Saints si Mohamed Pare na may 20 puntos, 17 rebound, tatlong steal at tatlong blocks. Sinundan siya ni Jan Dominic Formento na may 16 puntos sa loob lamang ng 19 minuto.
Haharapin ng Saints sa seryeng best of three ang unang pumasok na PMMS matapos talunin ang Our Lady of Fatima University, 65-61. Kahit hindi masyadong nakalaro dahil sa problema sa foul, bumalik si Bryan Hilario sa huling quarter at gumawa ng limang sunod na puntos upang ibalik ang lamang sa kanilang kamay papasok sa huling dalawang minuto, 61-56, at itulak ang Mariners sa kanilang unang Final Four buhat nang sumali sa liga noong 2016.
Nanguna para sa PMMS sina Wendel Attas at Joshua Templo na parehong may 14 puntos. Sumunod si Jacob Galicia na may 11 puntos.
Hinigpitan ng Enderun Colleges ang kanilang depensa sa mga shooter ng Philippine Christian University, 63-45, para makabalik sa Final Four sa ikalawang sunod na pagkakataon. Natalo ang Titans sa Saints noong nakaraang taon sa championship at iyan ang humihimok sa kanila na makabawi ngayon at maagaw ang korona.
Nagsabog ng limang tres si Austin Veloso para sa 16 puntos at anim na rebound. Nag-ambag ng 12 puntos, 13 rebound at apat na tapal si Pierre-Marie Kouakou.
Naghihintay sa Titans ang Saint Francis of Assisi na nagtagumpay sa New Era University sa isang pisikat at mainitan na laro, 59-53. Binuhat ng gwardiyang rookie na si Joshua Bongon ang Doves sa pamamagitan ng kanyang 21 puntos, apat na rebund at limang agaw.
Magsisimula ang 19th NAASCU Final Four sa Martes.