ANG mga katagang “panahon pa ni Mahoma nangyayari na ‘yan” na madalas kong marinig sa mga nakatatanda noong Dekada 70, ay muli kong napakinggang namutawi mula sa isang retiradong pulis Maynila na sa sobrang galing sa trabaho ay makailang ulit nasuspindi, dahil sa nasagasaan niyang mga itinatagong ilegal na trabaho ng ilang opisyal ng pulis at mga maimpluwensiyang operatiba.
Nangangahulugan kasi ang mga katagang ito na ‘di na bago ang mga ganyang pangyayari dahil noon pa man ay paulit-ulit na itong nagaganap at wala namang magandang ibinubunga.
Ang kaibigan kong ito, na binansagan kong “Palos” dahil sa sobrang dulas at bilis na kumilos kapag nasa police operation, ay nakatagpo at nakakuwentuhan ko kamakalawa sa kalye Raon sa Quiapo, habang pinanonood niya ang Senate hearing sa isang naka-display na TV sa isang gadget store.
Sa isang kainan ng lumpiyang sariwa sa lugar kami nagkahuntahan at doon namin itinuloy ang naudlot niyang panonood sa Senate hearing na tinawag niyang “zarzuela” dahil naaaliw siya rito.
Simple pero makabuluhan ang narinig kong pananaw niya sa nagaganap na hearing sa Senado: “Chopsuey palagi ang imbestigasyon, kung saan-saan napupunta ang topic, at sa pagtatapos – wala namang nakukulong na opisyal na naakusahan ng kung anu-anong ilegal na gawain!”
At ang hugot niya: “Samantalang kaming maliliit na nagtatrabaho ng matino, kapag nakasagasa ng mga proteksyon raket ng mga opisyal at mga bata-bata nila, kami ang agad na nasususpindi, natatanggal o napapatapon sa malayong lugar – masaya na ako’t nakaretiro na walang asunto!”
Sa aming huntahan ay bumalik sa aking alaala ang mga tiwaling pulis noong dekada 80 at 90 na kung tawagin ay “Voltes 5” na sa aming parehong pananaw ay ang pinanggalingan ng mga tiwaling pulis ngayon na tinatawag naman na “Ninja Cops”.
Simple lang ang mga raket ng grupong “Voltes 5” na nabuo sa makutitap na lugar ng Ermita na sakop ng MPD Station 5. Ang biktima ng mga ito ay mga turista na madaling bakalan ng “berde at lapad” (dollar at yen).
May nakasuhan ngunit di naman natanggal sa serbisyo, bagkus nakapagretiro pa ang ilan sa mga ito. May bagong pasok sa serbisyo na sumunod sa kanilang yapak, nang makatikim ng grasya, namihasa hanggang sa luminya rin sa mas malaking pagkakakitaan. Dito naging generic ang katawagang “Voltes 5” at kumalat sa mga presinto sa buong Metro Manila.
Mula rito unti-unting nabuo ang tinatawag na “Ninja Cops” na ang naging specialization ay ang pagbebenta ng recycled evidence, bahagi ng mga nakukumpiska na illegal drugs. Dahil sa malaki ang kita sa “drugs recycling”, namantikaan dito ang ilan sa mga matataas na pinuno sa Philippine National Police (PNP), kaya sila mismo ang umaarbor kapag ang “Ninja Cops” ay nagkakaroon ng kaso – ito ang alegasyon ngayon laban kay PNP Chief General Oscar D. Albayalde.
Kaya pareho ang naging reaksyon namin nang ang mainit na imbestigasyon hinggil sa posibleng pag-abuso sa pagpapatupad sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law, ay bigla na lamang napunta sa naging kaso ng mga “Ninja Cops” noon pang 2013, at lumilitaw ngayon na prinutektahan ni Albayalde noong siya ay naka-assign sa pa Central Luzon.
“Uso naman yan sa PNP, tuwing may paparetiro na nakaupong CPNP, naglalabasan ang mga nakatagong kaso nito, nauungkat, kadalasan nagagamit pa ang Kongreso at Senado upang ilantad ito sa publiko, sa ganun mapupuwersa itong mag-resign na at mabakante ang puwesto,” ani “Palos”.
Napa-honga ako sa sarili. Naisip ko kasi na simula ng maging reporter ako at ma-assign sa Camp Crame noong dekada 80, karamihan nga sa mga nakaupong CPNP ay pinutakte ng matitinding alegasyon – kadalasan ay hinggil sa droga – tuwing papasok ang huling tatlong buwan ng mga ito sa serbisyo.
Itinatadhana kasi ng batas na ang bawat opisyal na papa-retire na ay dapat na nagpa-file na ng leave upang ayusin ang mga dokumento niya at bigyan ng puwang ang pagpili sa ipapalit sa kanyang iiwan na puwesto.
Sanay ‘di totoo ang iniisip namin ni “Palos” na kagagawan na naman ito ng mga tinatawag na “Spin Doctors” na pinagtrabaho ng interesadong grupo – mga negosyante o pulitiko – na gustong mapabilis ang pag-upo sa mababakanteng puwesto, ang “next in line” na bata nila, para na rin sa pansarili nilang kapakinabangan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.