“Hindi ko alam kung ano ang nais ni Magalong na patunayan dito. Pero, may mga dokumento kami na nagpapakita na seryoso kami sa paglaban sa illegal drugs at laban sa mga corrupt policemen,” wika ni PNP Chief Oscar Albayalde nang hingin ang kanyang reaksyon ni Senate Justice and Human Rights Committee Chairman Richard Gordon sa pahayag ni dating CIDG head at ngayon ay alkalde ng Baguio City na si Benjamin Magalong.
Ayon kasi kay Magalong, paulit-ulit na sinabi sa kanya ni Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino ang kahilingan ni Gen. Albayalde na huwag pairalin ang kautusang nagpapatalsik sa serbisyo kina Police Supt. Rodney Baloyo at 12 police official. Ang kautusang ito ay galing kay PNP Region 3 Chief Raul Petrosanta na gumawa ng sariling imbestigasyon hinggil sa police operation na ginawa nina Baloyo at 12 opisyal ng pulis na noon ay nasa ilalim ni Albayalde bilang Pampanga police director.
Nag-ugat ang isyung ito nang magsagawa ang Pampanga police intelligence group sa pangunguna ni Baloyo ng buy-bust operation sa isang subdivision sa Mexico, Pampanga. Ang inihayag ng grupo na nakumpiska nila sa isang bahay ay 38 kilogram ng shabu at ang nadakip nilang may kaugnayan dito ay si Ding Wenkun na iprinisinta nila sa publiko. Dahil umabot sa kaalaman ni PNP Chief Purisima na, pagkatapos ng ginawang buy-bust operation, ay nagkaroon ng tig-isang SUV ang mga pulis ng Pampanga kabilang na rito si Albayalde, pinaimbestigahan niya kay Magalong ang nangyaring operasyon. Ayon kay Magalong, batay sa kanilang imbestigasyon, ang shabu na nakumpiska ay 200 kilograms at ang nahuli nilang drug suspect ay si Johnson Lee. Ipinalit dito si Wenkun, matapos palayain ng grupo ni Baloyo si Lee sa halagang 50 milyong piso. Bukod sa droga, may nakumpiska ang grupong ito ng male-maletang salapi na hindi nila inihayag sa kanilang police report. Bukod sa sinampahan ng criminal at administrative cases ang grupo ni Baloyo, sinibak sa pwesto si Albayalde na ngayon ay hepe ng PNP na nagunguna sa pagpapatupad ng war on drugs ng Pangulo.
Kung ganito ang iyong nakaran, paano mo kami mapapaniwala na ikaw na nangunguna sa paglaban sa illegal drugs at sa mga tiwaling pulis, ay “dead serious” sa kampanyang ito? Ano ang iyong moral authority na pagbawalan mo ang iyong mga pinamumunuan na huwag mag-ala “ninja cop” at huwag gumawa ng “agaw bato” at “pamalit ulo”? Eh ang mga partikular na anomalyang ito ang nangyari sa pulis operation na ginawa sa Mexico, Pampanga nang ikaw ang pinuno nito. Kinaltasan ang nakumpiskang shabu at ibang tao ang inihayag na sangkot dito bilang kapalit ng nahuli sa halagang 50 milyong piso para sa kanyang kalayaan. Pero ang higit na kaduda-duda dito ay ang sinseridad ng Pangulo sa kanyang kampanya laban sa droga na pumatay na ng maraming dukha at pitsuging gumagamit at nagbebenta ng droga. Wasto ba at makatarungang ipatupad ito sa pamamagitan mo?
-Ric Valmonte