MASAYA, tawanan, biruan dito, biruan doon, at aminadong nagkakapikunan sa isa’t isa ang hosts ng It’s Showtime na sina Vice Ganda, Ryan Bang, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Amy Perez, Jhong Hilario at Anne Curtis Smith- Heussaff na dumalo sa nakaraang presscon para sa ‘Showtime Sampu Sample.’
Wala sina Vhong Navarro dahil may shooting, si Karylle ay may lakad at si Mariel Rodriguez-Padilla ay nasa Amerika dahil malapit nang manganak.
Dumalo rin ang ‘Bida Man’ finalists pero hindi na pinaupo sa stage at si Ryle Santiago na representative para sa Hashtags.
Paliwanag ni Jhong ay hindi naiiwasang hindi sila magka-pikunan dahil araw-araw silang magkasama, nagkaa-amuyan na sila ng mga bituka, pag pag-utot ng isa ay naririnig na at kung anu-ano pa, pero ang maganda sa samahan nila ay kahit may alitan ay naayos kaagad kasi nga iisang pamilya sila sa Showtime.
Sa unang taon sa programa ay inamin ni Vice na pagkatapos ipagdiwang ang unang anibersaryo nito ay kaagad siyang nagpaalam sa ABS-CBN management na aalis na siya dahil pakiramdam niya ay wala naman siyang maibibigay na dahil naibigay na niya lahat.
“After noong first year, nagpaalam na ako. I felt so tired. Yung araw-araw, ‘sample sample,’ araw-araw, kailangan ko mag-isip ng ‘May nag-text!’ Feeling ko, naubos ako,” saad ng TV host.
Ang ‘Sample, sample’ at ‘May nag-text!’ ang natokang punchline ni Vice bilang punong hurado.
Sa pagpapatuloy pa, “Tapos hindi ako sanay sa showbiz, nabigla ako sa pagbabago sa buhay ko na hindi ko nasabayan.
“Feeling ko, ang dami kong di magawa. Hindi ako makalabas ng bahay, hindi ako makapag-dyowa, hindi ako makaraket, hindi ako maka-concert sa ibang bansa kasi kailagan araw-araw, nasa Showtime ka.
“Tapos, napagod talaga ako and at that time, hindi ko nakikita yung purpose ng pagshu-Showtime ko. Akala ko lang, raket ko lang yung pagshu-Showtime, kikita
“At that time, P5000 a day ang sweldo ko. So wala kang P.A., wala kang make-up artist, wala kang hairstylist.
“Ako ang damit, wala ako ibang stylist. Sabi ko, parang it’s not worth it. Parang lugi ako, parang uuwi ako na walang nai-uwing sweldo sa akin, kasi ibabayad ko sa nag-make-up sa akin, ibabayad ko sa nag-ayos ng buhok sa akin, ibabayad ko sa tumulong sa aking P.A., ipangkakain mo pa, ipapang-parking, ipambibili ng damit.
“Tapos pagod na pagod talaga, feeling ko, hindi na ako nakakatawa. Feeling ko, wala na akong maisip na ipagpapatawa pa, parang lahat yata ng jokes, naubos ko na noong taong yun.
“Sabi ko, feeling ko po, hindi na ako magiging effective kasi ubos na ako. Feeling ko talaga hindi na ako nakakatawa, kaya feeling ko, kailangan ko nang bumalik sa comedy bar kasi feeling ko, nangalawang na ako dahil hindi na ako nagko-comedy bar.
“So, gusto kong mag-comedy bar na lang, tapos regular guesting, pero yung regular show, hindi muna.
“Nakipag-usap ako sa management na hindi ko na po bet. Tapos si Ogie Diaz (manager pa niya noon), sabi niya, ‘Sige, pahinga na lang muna tayo,’ kasi nakita niya talaga, pagod na pagod ako.
“Tapos parang mga isang buwan iyon na wala ako sa Showtime pero hindi nila ako pinapayagang mag-resign talaga. Pero rumaket ako, nag-tour ako abroad.
“So habang nagtu-tour ako, everyday, naka-Facetime! Nakikita pa rin nila ako sa TV kasi pine-Facetime nila ako, kahit kumakain ako, naliligo ako, nasa banyo ako abroad, pinapakita nila.
“Na-miss ko ‘yung Showtime, na miss ko si Anne. Si Anne talaga ‘yung nasanay ako na nakikita ko si Anne Curtis, parang ayoko nang hindi ko kasama si Anne Curtis.
“Si Anne ‘yung isa sa pinakamalaking rason kung bakit gusto kong bumalik ng Showtime.”
Hanggang sa nakabalik na ng bansa si Vice ay nakipag-meeting siya sa management at inilatag sa kanya ang lahat.
“Kinausap ako ng management, ganito, inayos nila ang lahat, tapos dinagdagan nila ang sweldo, aarte ka pa ba!
“Pero ngayon talaga, nasa punto ako ng buhay ko na hindi ko kayang mawala sa Showtime at hindi ko kayang mawala ang Showtime sa buhay ko. Nakuha ko na ‘yung halaga niya sa buhay ko,” pagtatapat ng TV host/actor.
Kaya pala ganado at masaya na ngayon si Vice kapag napapanood sa Showtime dahil kasama niya ang kanyang inspirasyon sa buhay, si Ion Perez.
-Reggee Bonoan