NOONG 1963, nagwagi si Rene Espina bilang gobernador ng Cebu sa lamang na 73,000 boto. Hindi makakalimutan ng aking ama ang dati’y kwentuhan nila ni Diosdado Macapagal noong Bise Presidente pa ito (1957-1961) sakay ang barkong may layag sa Bisayas. Binanggit ni “Dadong” ang pagbalik ng ‘Turtle Islands’ sa teritoryo ng Pilipinas. Nakinig si Rene, at nagmungkahing, “Mr. Vice President, bakit ‘Turtle Islands’ lang? Dapat isama natin ang pagkuha muli sa Sabah”. Sinegundahan agad ito ng Kapampangang taga-Lubao, “Rene, when I become President, that will be part of my platform of government”.
Nasubukan ang katatagan ng bagong gobernador ng Cebu noong may nilakad ito sa Manila, at dahil sa maniobra ni Senador Serging Osmeña Jr., ipina-donate ang 210 titulo ng lupa, o lampas 300 ektarya, ng lalawigan papunta sa Pamahalaan ng Cebu City. Kontrolado ni Osmena ang bise-gobernador pati karamihan sa mga bokal ng probinsya. Pagbalik ng aking ama, kinasuhan ang transaksiyon. Sa kalaunan, napanalo ang kaso. Ito ang isang dahilan bakit ang Cebu, sa kasalukuyan, isa sa pinakamayamang lalawigan sa bansa. Kung hindi tinutulan ng aking ama ang donasyon, kalakip sana sa mga naagaw na lupain ang kasalukuyang Ayala Mall, Central Business Area at I.T. Park.
Ituturo sana ni Pangulong Macapagal si Rene bilang Kalihim sa Katarungan, upang matanganan ni Osmeña ang Kabuuang Cebu. Magalang na tinanggihan ni Espina ang alok. Sukli niya sa Palasyo, maaari siyang mag-leave muna. Dahil sa pinilit ng Malakanyang si Espina, sumama ang aking ama kay Senate President Ferdinand Marcos, pag-alis sa Liberal Party. Sabay silang lumipat sa Partido Nationalista. Lumipad ang dalawa noon papuntang Dumaguete kung saan ang aking ina (Pining) ay bumisita sa kanyang mga kamag-anak, at napapayag sa plano nila. Kinilala at ginawaran ng ‘Golden Rooster Award’ at ‘Bahay Kubo Award’ si Espina sa pangalawang termino bilang the “Road Builder of Cebu”, at “Outstanding Governor of the Philippines”.
Laging bumibiyahe ang aking ama sa mga proyekto nito sa Cebu City at lalawigan. Dala-dala ang maraming supot ng pandesal at inumin para sa mga engineers at nagkukumpuni ng daan.
-Erik Espina