KUALA LUMPUR— Tinanggap ng Pilipinas ang South East Asian Games flame mula sa 2017 host Malaysia sa pormal na handover ceremony kahapon bilang pagsisimula sa hosting ng bansa sa biennial meet.
Pinangunahan ni Philippine Olympic Committee (POC) board member Cynthia Carrion ang mga kinatawan ng bansa sa pagtanggap ng SEAG flame mula kay Malaysia Olympic Committee president Norza Zakaria sa ceremonial lighting sa Bukit Jalil National Stadium sa Malaysian capital.
Nakiisa rin sina Philippine South East Asian Games Organizing Committee Chief Operating Officer Ramon Suzara at Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Celia Kiram sa programa bilang pagsisimula paghahanda para sa 11-nation meet sa Nov. 30 sa Philippine Arena sa Bocau, Bulacan.
Pangangasiwaan ng PHISGOC ceremonies and cultural events department ang mga programa at palabas na magtatampok sa tradisyon at kultura ng Pilipino sa modernong panahon.
“The flame handover is an important symbolic ceremony showing the turnover of responsibilities from past host to present,” pahayag ni Phisgoc ceremonies director Mike Aguilar.
Sa naturang seremonya, nagkita rin ang Malaysian hosting mascot Rimau at Pami, ang official mascot para sa 30th South East Asian Games.
Kabilang din sa delegasyon ng bansa sa seremonya sina Filipino boxer Ian Clark Bautista at taekwondo jin Pauline Lopez, gayundin si Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan. Ang New Clark City, sentro ng labanan sa SEAG, ay matatagouan sa Capas, Tarlac.
Mula sa Kuala Lumpur, dadalhin sa bansa ang lantern, at sisimulan ang tradisyunal na torch run sa Davao City, patungo sa Cebu City hanggang Clark. Nakatakda rin itong dalhin sa Senado, House of Representatives at Malacanang.
Ang official torch para sa 30th SEA Games ay sumasalamin sa pagkakaisa ng sambayan at dinisenyo ng pamosong metal sculptor na si Daniel dela Cruz.
Ang mga miyembro ng SEAG ay Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, Timor Leste at Vietnam.
Ang biennial meet ay itinataguyod ng Ajinomoto, Philippine Amusement and Gaming Corporation, MG Cars, Philippine Airlines, Skyworth at Coca Cola. Gold Sponsors - MasterCard, Milo, Pocari Sweat, NLEX, PInco and Rzaer. Preferred - Asics, SM Lifestyle Inc. and BMW. Prestige - Molten and Mikasa. Banking Partners - Chinabank at PNB.