KAHIT may batas na laban sa hazing (anti-hazing law), patuloy pa rin ang pag-iral ng ganitong uri ng kalakaran sa Philippine Military Academy (PMA) at sa iba pang mga paaralan at kolehiyo. Talaga bang walang magagawa ang mga awtoridad o mga lider natin upang masawata ang karahasan, kalupitan at pambubugbog ng mga upperclassmen o senior frat members sa mga baguhan o neophyte?

Bukod pala sa pagkamatay ni PMA Fourth Class Cadet Darwin Dormitorio sa pambubugbog at pagmaltrato ng PMA upperclassmen, may napaulat ding mga insidente ng hazing sa isang paaralan sa Laguna at sa University of the Philippines. Bugbog-sarado rin ang mga baguhan o neophyte na natuksong sumapi sa fraternity.

Anong uri ng kapatiran ang ganitong kalakaran kung sa pambubugbog o pagmaltrato ay mapinsala ang katawan ng isang neophyte at magdulot ng kamatayan? Hindi ganito ang uri ng pagdisiplina at paghubog halimbawa sa isang kadete upang maging mabuting mamamayan.

Hindi ba kayraming mga kawal na nagtapos sa PMA pero sa dakong huli ay nagiging pasaway at abusadong miyembro ng AFP? ‘Di ba ganito rin ang nangyayari sa Philippine National Police Academy na hinuhubog ang future policemen sa pamamagitan ng hazing, pero dakong huli ay nagiging “ninja cops” lang. Of course, hindi lahat ng kawal at pulis ay ganito.

--ooOoo--

Inaprubahan ng US senate panel ang resolution ng ilang US senators na naglalayong huwag papasukin ang mga opisyal ng Pilipinas na sangkot sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima. Samakatwid, hindi makabibiyahe sa United States ang sino mang pinuno na “may kamay” sa detensiyon ni Sen. De Lime na akusado sa iligal na kalakalan ng droga sa loob ng New Bilibid Prisons.

Umalma ang ilang senador na Pilipino, tulad nina Senate Pres. Tito Sotto at Sen. Panfilo Lacson, sa ginawang ito ng US senators. Ayon sa kanila, pakikialam ito sa batas at soberanya ng Pinas. Hindi sila dapat makialam sa mga aktibidad sa PH. Hoy, mga Kanong senador, huwag kayong pakialamero.

Sa puntong ito, pabor si Vice Pres. Leni Robredo sa approval ng Senate panel tungkol sa pagbabawal na pumasok sa America ang PH government officials na nasa likod ng pagpapakulong kay Sen. Delilah, este De Lima. Maging si Sen. Risa Hontiveros ay nagkomento na para raw itong isang karma sa mga Pilipinong tumulong sa detensiyon ng senadora, mahigpit na kritiko ni Pres. Rodrigo Roa Duterte.

Itinanggi ni presidential spokesman Salvador Panelo na ang pagpapakulong kay De Lima ay dahil siya’y kritiko ni Mano Digong. Ayon kay Spox Panelo, nililitiis pa ang kaso ng senador kung kaya walang karapatang mag-interfere ang mga Kanong senador.

Ayon kay Hontiveros, sina ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales at ex-Ambassador Albert del Rosario, ay hinarang ng Hong Kong authorities nang sila’y magtungo roon. Hinabla kasi nila si Chinese Pres. Xi Jinping, kaibigan ng ating Pangulo sa International Criminal Court. Ang mga opisyal na sangkot sa detensiyon ni De Lima ay hindi rin papapasukin sa US habang hindi pinalalaya ang senadora.

-Bert de Guzman