Nagmamatigas pa rin ang kontrobersyal na si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde na hindi magbibitiw sa kanyang posisyon sa kabila ng umano’y pagkakasangkot sa drug recycling.
“I will not fall in that trap. I will wait for the President’s decision and I will wait for (Interior) Secretary (Eduardo) Ano’s decision.
Whatever they say, as I have said, I am expendable,” pagdidiin ng heneral sa isang panayam sa telebisyon.
Nakatakdang magretiro si Albayalde sa serbisyo sa Nobyembre 8 ngayong taon.
Nadawit sa kontrobersya si Albayalde dahil sa pagbibigay umano nito ng proteksyon sa 13 na tauhan na inaakusahang nagre-recylce ng 160 kilo ng shabu at kumita ng P60 milyon mula sa isang pinaghihinalaang druglord sa isinagawang bogus na buy-bust operation sa Mexico, Pampanga, noong 2013.
Sa pagdinig ng Senado sa usapin nitong Martes, isinangkot si Albayalde sa nasabing anti-illegal drugs operation.
Naiulat na ilang linggo pagkatapos ng drug raid, naging talamak na ang iligal na droga sa nasabing lalawigan at nakabili na rin ng kanya-kanyang sports utility vehicle ang mga pulis na kasama sa nasabing operasyon.
Ang mga pulis na nadawit sa operasyon ay inimbestigahan, kinasuhan at sinibak sa serbisyon. Gayunman, binago ang nasabing desisyon at idinemot na lamang ang mga ito sa kabila ng bigat ng kanilang kasalanan.
Sa nasabing Senate hearing, lalong nadiin si Albayalde nang tumestigo si dating Central Luzon regional police director at ngayo’y Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na nagsabing tinawagan siya nito upang itanong ang sitwasyon dismissal order laban sa kanyang mga tauhan.
Ipinatanggol naman ni Albayalde ang sarili at sinabing walang masama sa kanyang ginawa. “It’s really very normal in our organization,” aniya.
Sa nakaraang mga panayam, sinabi ni Albayalde na may planong patalsikin ito sa PNP bago pa ito magretiro sa susunod na buwan.
Kaugnay nito, ipinauubaya na muna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado ang pagpapasya sa kapalaran ni Albayalde.
Tumanggi muna ang Pangulo na banggitin ang posibleng kahinatnan ng sitwasyon ni Albayalde kasunod ng pagkakasangkot sa kontrobersyal nas ‘ninja cops’.
-AARON RECUENCO at BETH CAMIA