HINDI papayag si Pres. Rodrigo Roa Duterte na sakupin o angkinin ng China ang Panatag (Scarborough) Shoal sa nalalabing tatlong taon niya sa Malacañang, gaya ng pahayag at espekulasyon ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio. Ayon sa Palasyo, “speculation” lang ni Carpio na maaaring sakuping ganap ng China ang shoal bago magtapos ang termino ni Manong Digong.
Binigyang-diin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi kailanman papayag ang ating Pangulo na angkinin o sakupin ng China ang Panatag Shoal. Nagbabala si Carpio, kritiko ni PRRD sa kanyang China policy, na maaaring magtayo ng mga isla sa Panatag ang China sa loob ng tatlong taon habang si PRRD pa ang presidente.
Ayon sa mahistrado, isusulong ng bansa ni Chinese Pres. Xi Jinping ang paglagda sa Code of Conduct para sa South China Sea claimants matapos ma-reclaim nito ang shoal. Ang Panatag ay saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Malapit lang ito sa Zambales.
Sinabi ni Carpio na ang pahayag ng Pangulo ng kawalang-kakayahan o helplessness nito sa ginagawang building activities ng China, ay posibleng nakapag-inspire sa dambuhalang bansa upang mag-reclaim ng mas maraming isla sa West Philippine Sea.
Dahil dito, kinantiyawan ni Panelo si Carpio na kanyang fraternity brother sa UP Sigma Rho na mahilig umano ang kanyang brod sa mga espekulasyon at panghuhula. Ayon sa kanya, patuloy na tututulan ng Duterte administration ang ano mang panghihimasok o intrusion sa soberanya ng ‘Pinas.
Samantala, nagbabala si PDU30 sa mga Chinese at iba pang foreign investors na dapat nilang sundin ang mga batas sa Pilipinas, magpakatino at magbayad ng tamang buwis sa kanilang mga negosyo. “Magkaliwanagan tayo. Maaari kayong pumunta rito, magnegosyo at maaari ring gumawa ng mga krimen. Pero, kapag nahuli ko kayo, ito ay dead or alive. Mas mabuti ang patay...buhay. Isang bibig ang nawala ay makabubuti sa aking bayan,” pahayag ng Pangulo sa paglulunsad ng Golden Topper Corp. sa Asean Business Park sa Paranaque noong nakaraang Miyerkules.
--ooOoo--
Lubha palang masakit at malupit ang dinanas na pambubugbog at pagmaltrato ni PMA Fourth Class Cadet Darwin Dormitorio sa kamay ng kanyang mga buhong na upperclassmen. Ayon sa balita, kinuryente pa ang mga bayag ng kadete gamit ang taser flashlight.
Batay sa autopsy report, maraming nadurog na internal organs ang kawawang si Darwin. Nawasak ang pancreas, atay at may bali pa ang mga tadyang. Naniniwala ang mga Pinoy na hindi makatao ang ginawang hazing ng PMA upperclassmen sa kanilang lower classman. Ito raw ay kagagawan ng hayop at ng mga walang budhing nilalang.
-Bert de Guzman