MASAYANG sinagot ng bagong magkatambal na sina Maine Mendoza at Carlo Aquino ang mga tanong ng media sa isinagawang media launch ng first movie team-up nila, ang Isa Pa With Feelings na co-production venture ng BlackSheepat APT Entertainment at dinidirek ni Prime Cruz.

Cast ng 'Isa Pa With Feelings'

First question kasi sa media launch na ginanap sa ABS-CBN Studio Experience Theater sa Trinoma Cinema, ay kung may pressure ba sa kanila na ang susundan nilang movie ay ang blockbuster movie nina Alden Richards at Kathryn Bernardo na Hello, Love, Goodbye ng Star Cinema?

“Wala po namang pressure dahil wala pa naman kaming napapatunayan ni Carlo,” sagot ni Maine. “Gusto po lamang naming mapasaya ang mga manonood.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Basta ang masasabi namin ni Maine,” dagdag ni Carlo. “Kung maganda ang movie nila, maganda rin ang movie namin at pinaghirapan din naming gawin iyon.”

In fact, hindi pa nga sila tapos mag-shooting ng movie, at right after ng media launch ay diretso sila sa shooting nila.

Inamin naman ni Maine na nahirapan siyang gawin ang heavy scenes niya sa movie, tulad nang natatak sa full-trailer na umiiyak siya sa harap ni Carlo na gumaganap na isang deaf and mute.

“Nasanay po kasi ako sa comedy, kaya nang gawin ko ang eksenang iyon na dapat kong ibigay ang nararamdaman ko, nahirapan po talaga ako. Hindi tulad ni Carlo, ang husay niya, mata-mata acting lang, kayang-kaya niya. Pero nagpapasalamat po ako kay Carlo dahil talagang inalalayan niya ako sa pag-arte ko ng mga eksena ko.”

“But Maine is very professional. Alam niya ang ginagawa niya. Mahirap po para sa aming dalawa ang mga roles namin. Ako kahit gusto kong magsalita, hindi ako pwedeng magsalita. Kaya after ng bawat scene, tinatanong ko si Direk Prime kung tama ang ginawa ko. Si Maine, hindi siya pumapayag na hindi niya ma-perfect ang ginawa niya. Utang po namin sa deaf teachers sa set ang bawat ginagawa namin.”

Kahit daw ang dance sequence nila, simula pa lamang nang malaman nilang may ganoong eksena sila, pinag-aralan na nila iyon sa almost two months na nilang nagsu-shooting ng movie.

Pinuri rin ni Direk Prime ang dalawa niyang artista. Una raw nilang naisip ang concept ng story nang minsang nanood siya sa Trinoma na nakita nilang may grupo pala ng mga millennials na nag-uusap sa sign language. Pagkatapos saka nila naisip na kunin sa role ng deaf and mute na si Gali si Carlo na alam niyang kayang mag-deliver ng role kahit walang dialogue, sa mata-mata lang. Napili naman nila si Maine as Mara, dahil nakita nilang may chemistry sila ni Carlo, very honest din ni Maine nang tanggapin ang role at pumayag na magkaroon sila ng familiarity workshop ni Carlo, to break the ice.

Kumusta naman silang dalawa nang magsimula na silang mag-shooting?

“Si Maine, tahimik lamang, akala ko nga mahihirapan akong kaibiganin siya, pero nang tumagal-tagal, magulo rin pala siya.”

“Crush ko si Carlo nang very slight, nang mapanood ko ang movie nila ni Bela Padilla. Pero paglabas ko ng theatre, wala na iyong crush. Pero sabi ko sa sarili ko, sana minsan ay makatambal ko siya sa isang project at natupad naman ngayon, kaya thankful po ako sa management ko na pinayagan nila akong gumawa ng movie na iba ang katambal ko.”

Ang Isa Pa With Feelings ay mapapanood in cinemas nationwide simula sa Wednesday, October 16.

-Nora V. Calderon