NOONG gabi ng Hunyo 9, binangga at pinalubog ng Chinese trawler ang bangkang pangisda ng mga Pilipino na nakadaong sa Recto Bank at inabandona ng 22 tripulante nito na lulutang-lutang sa karagatan sa gitna ng kadiliman. Kinilala ng Chinese Embassy ang trawler na Yuemaobinyu 42212.
Pagkatapos ng insidente na naganap sa bahagi ng West Philippine Sea na mayaman sa lamang dagat, nawala ang isang araw na mga huling isda ng mga mangingisda at napinsala ang kanilang 14.38-toneladang bangka na kailangang ibalik sa Occidental Mindoro. Noong Agosto 28, humingi ng paumanhin ang Guangdong Fishery Mutual Insurance Association para sa may-ari ng trawler na hindi nito pinangalanan dahil sa tinatawag nitong “aksidente” at hiniling sa Pilipinas na magsampa ng reklamo para sa kaukulang kabayaran. Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Elizer Salilig, humingi ng P2.5 milyong danyos ang may-ari ng Gem Ver I na si Arlinda dela Torre para sa pagpapagawa ng bangka at sahod ng mga mangingisda na hindi nakapagtrabahao sanhi ng insidente.
Isang buwan pagkatapos matanggap ng mga mangingisda ang paumanhin, hinihintay pa nila ang kabayaran ng dapat nilang sahurin na hindi nila kinita sanhi ng pagkabunggo at pagkasira ng kanilang bangka. Ang tanging natanggap lang nila ngayon ay ang segunda mano o gamit nang commercial fishing boat na ipinagkaloob ng negosyanteng Intsik bilang kapalit ng napinsalang bangkang Gem Ver I. Noong ibinigay sa mga mangingisda ang commercial vessel nitong nakaraang linggo, ito ay kapipintura pa lang at kinakailangan pang gawin na maaaring matapos ng isang taon para magamit, ayon kay skipper Junel Insigne ng Gem Ver I.
Maluwag na nating binuksan ang ating bansa sa China bilang isang kaibigan. Ang pondong ginagamit natin ngayon sa pagpapagawa ng mga proyekto ay utang na nagbuhat dito. Sa pagsukli sa mga nakukuha nating benepisyo sa binuksang relasyon ni Pangulong Duterte sa China, napakalaya na ng mga Tsinoy na gumawa ng kanilang naisin, negosyo man o krimen, sa ating bansa. Ang sugal na isa sa mga ipinagbabawal sa China ay nagagawa ng mga Tsinoy sa ating bansa. May sarili na silang isla para dito na binigyan ng permiso ng ating gobyerno.
Ipinakita ng China kung paano siya gumanap ng inako niyang obligasyon sa mga Pilipino sa pinsalang kanilang ginawa. Ipinakikita niyang higit siyang malakas kaysa sa atin, na siya namang totoo. Sa maliit na bagay na kanyang ginawa, higit natin itong makikita sa malaking bagay. Makikita natin ito kapag tayo naman ang hindi nakatupad ng ating tungkulin lalo na sa pagbabayad ng utang. Kung sa bagay lagi naman sa huli ang pagsisisi.
-Ric Valmonte