“FINALLY, ipapalabas nap o, thank you Lord!” ito ang bungad ni Judy Ann Santos sa ginanap na Starla presscon nitong Sabado na ginanap sa Matrix Creations Events Venue dahil inumpisahan ito noong 2018 pa.
Pero bago ang presscon proper ay ipinanood muna ang ilang araw na episodes ng Starla na magsisimula na sa Oktubre 7 pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Ang ganda ng Starla at nakatitiyak kami na mapapanatili nito ang ratings na maiiwan ng The General’s Daughter na magtatapos na sa Oktubre 4.
Ang concerned lang namin ay hindi ba masyadong late ang timeslot ng Starla para abangan ito ng mga bata na maagang pumapasok kinabukasan? Dahil karamihan ng target audience nito ay pawang nasa elementarya.
Pero nakasisiguro kaming aabangan ito dahil ang ganda ng kuwento ng wishing star na Starla na ginagampanan ni Jana Agoncillo at ng kaibigan niyang si Buboy (Enzo Pelojero) na wala ng pamilya.
Dahil sa tulong ni Starla ay gumanda ang buhay ng mga taga-Barrio Maulap bagay na ayaw mangyari ni Teresa (Judy Ann) dahil may masakit siyang alaala sa buhay niya.
Sa madaling salita bida-kontrabida si Juday at unang beses niyang gawin ito sa buong showbiz career niya. At malaking bahagi rin ang pagtanggap niya ng Starla dahil sa mga anak niya na hindi alam na artista siya dahil ang alam ay TV host siya.
“I really wanted a teleserye na hindi naman bugbugan sa drama, feels good, inspirational, nakaka-happy lang panoorin at napapanahon talaga. Nasa estado po ako ngayon na gagawin ko kung ano ang gusto kong gawin.
“Medyo mataray pong pakinggan pero 30 (years) plus in the industry I’ve given a lot of my time already and it’s about time that I choose the project that I want to make and make it a point na it’s inspirational and mapapanood ng mga anak ko para ma-proud naman sila sa akin,” pahayag ng aktres.
Nabanggit din ni Juday na nagawa na niya lahat ng role sa tagal niya sa showbiz at marami ng new breed of young actors and actresses ngayon na puwedeng sila na ang gumawa at kailangan na niyang mag move forwand.
“Napapanood ko sila (bagong artista), kaya na nila ‘yan, dito na ako sa role na ito,” sambit pa nag-iisang Queen of Teleserye.
Base sa karakter ni Juday ay matapang ang personalidad niya at kung anon ang utos ay kailangang sundin kaya natanong kung sino ang peg niya sa Starla.
“Miranda, ah si Devil’s Wears Prada, ‘yun ‘yung pi-neg namin. Nagpi-fits siya kay Teresa kasi may story behind kung bakit siya ganu’n katigas,” sagot ni Juday.
At pati pananamit ni Miranda ay kailangang ganu’n din ang isusuot ni Teresa (Juday)
“Naghanda ako ng outfit, may glam team ako. ‘Yung lakad, ‘yung tindig, ‘yung postura, ‘yung taas-noo, pano magsalita,” saad ng aktres,
At dahil abogada ang role ni Juday sa Starla ay kailangan talaga lahat ang legal terms na sinasabi niya.
“So, du’n ako pinaka-nahirapan lalo na nun’g first taping day. I was really struggling because I haven’t done a teleserye for 5 years, so bagung-bago sa akin,” pag-amin ng primetime queen.
Nabanggit ding umaabot siya ng take 4 hanggang 6 sa unang araw ng taping day.
Samantala, puring-puri naman ni Juday ang mga batang artistang kasama niya sa Starla dahil mga propesyunal dahil dumarating sa set na handa kagaya nina Enzo at Jana.
“Nakakatuwa kasi itong mga batang katrabaho namin they know they have a four-hour working schedule and they really work.
“Wala kang reklamo na maririnig, they wanted to stay longer na gusto ko rin naman sana pero siyempre, may kailangan tayong sundin na protocols and rules and regulations of DOLE (Department of Labor and Employment).
“They’re easy to work with, they’re such good actors. Malayo ang mararating ng mga batang ito.
“Noong panahon namin, kami yung huling laging kinukunan. Twenty-four hours kami na nagte-taping bago kami darating sa set, kami ang huling kukunan. ‘Pag gising namin, paiiyakin kami kaagad.
“Walang four hours noong araw but you know, nagbabago ang panahon. We understand that there’s a rule that we have to follow kaya nga, ang suwerte ng mga bata ngayon kasi meron nang golden rule na kailangang sundin so they can actually focus on their studies.
“Hindi mag-stunt ‘yung growth nila kasi kapag child actor ka, automatic, sasabihin nila, ‘Ay hindi ka na tatangkad kasi bata ka pa lang, babad ka na sa ilaw, ‘tapos puyat ka.’ Pagbabalik ala-ala ni Budaday.
Naalala rin ng aktres kung ano ang mga kinakain nila nood sa tapings.
“Puro mga softdrinks, junk foods kasi ganoon ako noong bata ako, noong nag-aartista ako kaya nga pagdating ng Mara Clara, para na akong balyena, di ba?”
Ang Starla ay isinulat ni Dindo Perez, at idinidirek naman nina Onat Diaz, Darnel Villaflor, at Jerome Pobocan.
Bukod kina Juday, Enzo at Jana ay kasama rin sina Joel Torre, Merryl Soriano, Joem Bascon, at Raymart Santiago, Grae Fernandez, Chantal Videla, Janus del Prado, Kathleen Hermosa, Anna Luna, Jordan Herrera, Simon Ibarra, Raikko Matteo, Chunsa Jeung, Myel de Leon, Heaven Peralejo, at kasama ang special participation nina Tirso Cruz III at Ms Charo Santos.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).
-REGGEE BONOAN