NANGAKO ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na bibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio sa kamay ng PMA upperclassmen. Sinabi ni Brig. Gen. Edgar Arevalo, AFP spokesman, na hindi sila titigil hanggang hindi napananagot, napag-uusig at napaparusahan ang nasa likod ng brutal na pagkamatay ng kadete.

Ayon kay Arevalo, nakikipag-ugnayan ang AFP sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa criminal investigation nito ngayong natapos na ng Philippine Military Academy (PMA) ang pagsisiyasat. “Hindi kami titigil hanggang hindi naririnig ang lahat tungkol sa kaso at malaman ang hatol laban sa may kasalanan sa krimen upang maipagkaloob ang hustisya.”

Tiniyak din ni Arevalo na muling rerepasuhin ng AFP ang umiiral na cadet regulations at patakaran upang maiwasan ang pagmaltrato sa akademya. Umaasa siya na ang tatlo pang batchmate ni Darwin na nakaratay sa ospital ay makikipagtulungan sa mga imbestigador upang ihayag ang mga kadete na nanakit o nambugbog sa kanila.

Pahayag ni Arevalo: “I think we will be able to encourage them to speak up because we want to point out here what disciplinary actions are legal, and what are not.” Hindi aniya dapat matakot ang tatlong kadete na nasa ospital at tawaging “squealers” o yung mga lumabag sa “Code of Silence” sa akademya kapag sila’y bumalik na sa akademnya para ipagpatuloy ang pag-aaral.

Samantala, iniutos ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na isailalim sa physical examination ang lahat ng plebo o PMA first year cadets upang malaman kung sila man ay dumanas ng hazing, pambubugbog at pagmaltrato. Sinabi naman ng Baguio police na ang dahilan sa matinding pagmaltrato kay Dormitorio ay bunsod ng nawawalang combat boots.

Ayon kay Col. Allen Rae Co, director ng Baguio police, na batay sa imbestigasyon, ipinagkatiwala kay Darwin ang combat boots ni Cadet First Class Axl Rey Sanupao. Ito ay nawawala at hindi mailabas ni Dormitorio kung kaya inendorso ni Sanupao kina 3rd Class Cadet Felix Lumbag at Cadet 3rd Class Shalimar Imperial si Dormitorio. Si Sanupao ang nag-encourage na maltratuhin si Darwin.

--ooOoo--

Hindi naman pala “galit” o anti-media si Pres. Rodrigo Roa Duterte. Nilagdaan niya ang Republic Act 11458 na nagpapalawak sa saklaw o coverage ng Sotto Law na nag-e-exempt sa mga journalist upang hindi ihayag ang kanilang source of information na nakuha in confidence.

Bukod sa print journalist o ang mga nasa pahayagan, sa RA 11458 na nag-amyenda sa RA 53 of 1946, isinama na ngayon ang mga miyembro ng broadcast (radyo at TV) at online news upang ma-exempt . Saklaw ng batas ang sino mang publisher, may-ari, accredited journalist, writer, reporter, contributor, opinion writer, editor, columnist, manager, media practitioner, atbp.

Umaasa ang mga mamamayan at mga manggagawa sa media na sana ay bumuti, lumusog at maging maayos ang ugnayan ng ating Pangulo sa mga mamamahayag na naghahatid lang ng mga impormasyon at balita sa bayan bago matapos ang kanyang termino.

-Bert de Guzman