KUNG hindi magbabago ang pamamalakad ng mga nakaupong bagong halal na mga pulitiko sa iba’t ibang panig ng bansa, na sa wari ko’y nagpapaligsahan sa pagbibigay ng mga naiiba at makabagong uri ng paglilingkod sa kanilang nasasakupan, abay sige – tara na mga kababayan at pagpahingahin na natin sa mga darating pang halalan ang mga “naglulumot” na opisyal ng pamahalaan na kapit-tuko sa kanilang puwesto.
Ang ilan sa mga nobatos na pulitikong ito – tawagin natin sila na mga “millennial politician” -- na aking tinutukoy, ay palaging laman ng mainstream media at mas lalo pa nga sa mga social media. Ipinagmamalaki rito ang kanilang kakaibang istilo ng pamamahala, na talaga namang nakatutuwa sa pananaw ng mga kababayan natin na katulad kong bantad na bantad na sa gimik ng mga “traditional politician” sa ating lipunan.
Makisawsaw na ako sa pagbabando ng kanilang mga kakaibang accomplishment na manapa’y produkto ng may pagka-agresibong millennial na pananaw.
Naalala ko noon, tuwing parating ang eleksyon, palaging may meeting de avance sa mga mataong lugar ngunit nagdarahop nating mga kababayan. Ang madalas na ipambola mga pulitiko ay ang “pagkakalooban sila ng maayos na tirahan” ngunit ‘pag nanalo at nakaupo na sa puwesto, ang pangako ay madalas na napapako! At kung magkatotoo man – ang pobreng pamilya na umasa ay nare-relocate sa mga karatig lalawigan, daang kilometro ang layo sa lugar na kanilang sinilangan at pinagkukunan ng pangkabuhayan.
Nitong nakaraang Biyernes, medyo napabilib ako ng batambatang mayor ng San Juan na si Francis Zamora nang ang isa niyang pangakong proyekto ay isinakatuparan sa ginawang “ground breaking” para sa 22-storey condominium na sadyang inilaan para sa mga mahihirap na taga-San Juan City.
Natawa pa nga ako sa tinuran ni Mayor Francis – na makaka-inspire lalo sa mga millennial na titira sa proyekto niyang 22-storey condominium, na pagkagising sa umaga, ang matatanaw ng mga ito mula sa itaas, ay ang dating magagarang bahay ng mga mayayaman na tinitingala nila noong mga illegal settler pa lang sila. Ngayon, sila naman ang literal na titingalain ng mga mayayamang ito!
Ang pumirma sa memorandum of agreement para sa proyektong ito ay sina Mayor Francis, ang kanyang ama na si San Juan Rep. Ronaldo “Ronny” Zamora, at si National Housing Authority (NHA) general manager Marcelino Escalada Jr.
Patutsada ni NHA Manager Escalada Jr., na hirap ipatupad ng karamihan sa mga nakaupong pulitiko ang ganitong klase ng proyekto dahil sa nanghihinayang ang mga ito sa lupa, na mas mahal ang presyo kapag sa pribado mapapapunta. Kaya tuloy kadalasan, sa malayong ibayo natatapon ang mga inire-relocate na taal namang nakatira sa isang siyudad – na ang tanging problema ay ang pagiging mahirap ng mga ito!
Ang proyektong condominium ay may inisyal na pondong P1 billion na itatayo sa 1,850 square meters na lupa na pag-aari ng pamahalaan. Aabot sa 396 housing units na may sukat na 39 square meters kada kuwarto sa 22 palapag nito. May lugar din sa ground floor para sa 10 commercial spaces at isang multi-purpose hall.
Ang ipinagmamalaki ni Mayor Francis ay ang pagiging “the first socialized high rise in the city’s public housing project in the country” na ‘di lamang para sa informal settlers kundi pati na sa ilang nasa formal sectors.
“This will be rent-to-own. I’d like to emphasize that this is not free. The homeowners will have to pay amortization, and at the end of 25 years, the unit will be theirs,” pagdidiin ni Mayor Francis sa proyektong ito, na matatapos sa 2022 ngunit sinisiguro niya na masusundan sa tulong ng NHA.
Magbabantay po ang ImbestigaDAVE sa mga proyektong ito na harinawa’y pamarisan din ng ibang mga nabatos at batang pulitiko!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.