DETERMINADO ang Kongreso na aprubahan nang maaga ang pambansang budget sa 2020 upang magamit ito kasabay ng pagsisimula ng unang araw ng Enero sa susunod na taon, maagang isinumite ng Malacañang ang mungkahing budget sa Kongreso ngayong taon—nitong Agosto.
Agad naman itong inihain ng Kamara de Representantes sa Committee on Appropriations. At makalipas ang dalawang linggong debate sa plenaryo, nitong Setyembre 20 inaprubahan na ng Kamara sa botong 257-6 ang P4.1-trilion 2020 Appropriation Bill.
Mapupunta naman ito ngayon sa Senado at may mahabang panahon ang mga senador upang busisiin ang mungkahing mga probisyon sa panukalang batas na inaprubahan ng Kamara. Susuriin nila, kung sa kabila ng mga paalala at pagbabanta, ay nagawa pa ring magsingit ng ilang kongresista ng mga “pork barrel” na proyekto.
Muling inihayag ni Sen. Panfilo Lacson, ang siyang pangunahing naglantad ng mga tangkang “pork barrel” sa mga nakalipas na taon, na ang budget na inaprubahan ng Kamara ay naglalaman ng P100 milyon para sa bawat distrito. Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, nagdagdag lamang ang Kamara ng P1.6 billion para sa pagtatalaga ng 22 deputy speakers, para sa “research, office facilities, new committees, and additional personnel.”
Kung tulad ng iginiit ni Senador Lacson, ang inaprubahang budget ay naglalaman ng milyon-milyong para sa bawat distrito ng mga kongresista, maaaring muling gawin ng Senado ang naging hakbang nito noong nakaraang taon. Matatandaan nating isinumite na lamang ni Senate President Vicente Sotto III, ang panukalang budget kasama ng mga pinagtatalunang probinsyon kay Pangulong Duterte kalakip ang paalala hinggil sa pagdududa ng Senado. Habang nagdesisyon naman si Pangulong Duterte na i-veto na lamang ang pinagtatalunang halaga—ang P75 bilyon na hinihinalang pork barrel para sa ilang kongresista. Sa ganitong pagtingin, hindi na nating aasahang mauulit pa ang nangyaring pagkaantala noong nakaraang taon sa pambansang budget.
Sa pagsusuri ng Senado sa mungkahing budget ng Malacañang, na inaprubahan ng Kamara, hinihikayat natin ang mga senador na pagtuunan ng pansin ang mga pangunahing programa na kinakailangan ng pondo, partikular ang matagal nang naantalang umento sa sahod ng mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan. Dapat na tutukan ng kapulungan na masigurong maisasama ang mga pangunahing kailangan ng bansa para sa darating na 2020.
Sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na bumagal ang pag-usad ng ekonomiya ng bansa sa 5.5 porsiyento sa unang bahagi ng 2019 dahil sa pagkaantala ng 2019 budget bill. Ngunit dahil sa catch-up spending program, aniya, posible pa ring makamit ang hangaring anim na porsiyento sa pagtatapos ng 2019.
Dapat na makamit ng bansa ang anim na porsiyento o higit pang pag-angat sa 2020, ani ng kalihim, at ang maagang pag-apruba ng 2020 budget, kasama ng 25 priority bill ng Pangulo, ay makatutulong sa pamahalaan na makamit ang target na ito.