MULING binuhay ng mga abogado ang alyansang nilikha nila noong 2006 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo upang idepensa ang mga karapatang sibil ng mamamayan sa gitna ng mga garapalang paglabag na nagaganap sa bansa. Ang grupong binansagan nilang Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL) ay pormal na inilunsad noong Lunes sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Pasig City. Ang grupo ng mga abogado na bumubo ng CLCL, bukod sa IBP, ay ang National Union of People’s Lawyers, Artikulo Tres, at Mananaggol Laban sa Extra-Judicial Killings. Ang convenor ng binuhay na samahan ay high-profile lawyers na kinabibilangan nina dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, dating Bise-Presidente Jejomar Binay, IBP President Domingo Cayosa, at mga kasalukuyan at dating dean ng College of Law ng Adamson University, University of the Philippines, at Ateneo School of Government.
Ang kabutihan sa binuhay na grupong ito na inilaan ang sarili para ipagtanggol ang sambayanan sa kanilang mga karapatang sibil at karapatang pantao ay aktibo nang lumahok ang IBP. Ang IBP ay binubuo ng lahat ng mga abogado ng bansa, pero hindi opisyal ang partisipasyon nito sapagkat may mga abogado o grupo ng mga abogado na iba ang kanilang pananaw at paniniwala. Kaya lang, iba iyong ang pangulo mismo ng pinakamalaking grupo ng mga abogado ay kalahok sa CLCL. Ang IBP kasi, sa aking pananaw, ay dapat parang isang ahensiya na sa lahat ng oras at panahon, mapayapa o magulo, ay tagapagtanggol ng mamamayan.
Noong panahon na ang bansa ay nalulukuban ng kadiliman ng martial law at garapalan kung labagin ang mga karapatan ng mamamayan, walang nakuhang tulong ang mga ito sa IBP. Si dating Senador Jose Diokno, ama ni Chel, ang mag-isang tumindig na tagapagtanggol ng mga mamamayan hanggang sa itatag niya ang Free Legal Assistance Group (FLAG). Sinundan na ito ng pagsulpot ng ibat ibang samahan ng mga abogado na ang pangunahing layunin ay itaguyod at ipagsanggalang ang karapatang pantao ng mamamayan. Kaya, halos araw-araw, bukod sa mga abogado ng FLAG, mga abogado mula sa MABINI, BONIFACIO ni dating Solicitor General Frank Chavez, at iba pa ang laging nasa korte idenedepensa ang mga magsasaka, manggagawa, maralitang tagalungsod, mag-aaral at propesyunal na dinarakip at pinagbibintangang mga komunista. Lumakas ang taumbayan.
Noong panahon ng martial law, ang mga abogado at mamamahayag ay kabilang sa mga pinapaslang. Ngayon, sila pa rin ang mga biktima lalo na iyong mga nagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo at kapaligiran. Napapanahon ang pagkakatatag muli ng CLCL dahil tumitindi ang kalupitan at paniniil sa sambayanan lalo na sa kanayunan. Ngayon at higit kailanman, kailangan ng mamamayan ang kanilang tulong at proteksyon.
-Ric Valmonte