“WALANG anumang porma ng imbestigasyon ang kinakailangan pa buhat sa mga taga-labas o kritiko para busisiin pa ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga dahil ang taumbayan na mismo ang nagsasabi na ito ay lehitimo at epektibong paraan upang makamit ang kapayapaan at mahango ang mga dukha sa kahirapan,” wika ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar bilang reaksiyon sa lumabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) hinggil sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte. Ayon kasi sa nationwide survey ng SWS na ginawa mula Hunyo 22-26, 82 porsiyento ng mga nakatatanda na tinanong ang kuntento sa kampanya laban sa illegal drugs, samantalang 12 porsiyento ang hindi kuntento at 6 na porsiyento ang hindi nakapagpasiya. “Excellent” ito, aniya. Ang mga pangkaraniwang dahilan sa mga kuntento, ayon sa SWS, nabawasan at naaresto ang mga sangkot sa droga at nabawasan din ang krimen.
Hunyo pa pala ginawa ang survey, bakit ngayon lang ito inilabas? Eh nauna rito, nahayag ang paglabas ng banyagang documentary film na may pamagat “On President’s Order”. Isinapelikula nito ang mga pagpatay kaugnay sa droga sa bansa. Isinaad sa kanyang film website na nakuha sa kamera ang mga dukhang komunidad at mga grupo ng mga pulis na pinapatay ang kanilang mga kababayan sa maling basehan ng moralidad. Ayon sa mga human rights advocates, ang pelikulang ito na banyaga ang pinagmulan, kaya masasabing walang kinikilingan, ay puwedeng gamiting ebidensiya laban kay Pangulong Duterte sa kasong crime against humanity na isinampa laban sa kanya sa International Court of Justice. Nataon lamang kaya ang survey sa paglabas ng pelikula na pinanonood na sa mga sinehan sa Amerika, United Kingdom at Canada kung saan labis na minamahalaga at iginagalang ang karapatang pantao? At wala kayang layunin itong kontrahin o palabnawin ang epekto ng pelikula? Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit lang ang mga “adult” ang respondents sa survey?
Pero, anuman ang layunin ng survey, totoo man ito o hindi, kahit saan ko mang anggulong tignan ang war on drugs ng administrasyon, nais kong ibilang ako ng SWS sa 12 porsiyentong hindi kuntento rito. Paano naman ako magiging kuntento sa war on drugs na ito, eh bukod sa nasesentensiyahan na agad ng kamatayan ang sangkot dito na hindi na sumasailalim sa proseso ng batas, hindi sinusugpo ang problema sa ugat. Kung pananatilihin natin ang pagpapairal ng war on drugs sa paraang ginagawa ngayon dahil, ayon kay Andanar nakakamit natin ang kapayapaan, napakarami pa ang mamamatay pero hindi naman nalulutas ng kanilang kamatayan ang dahilan ng kanilang pagkamatay. Kasi, hindi naman pinuputol ang pinagmumulan at nagkakalat ng droga. Habang marami ang pinapatay, patuloy naman ang pagdami ng droga. Ang recycling lang ng droga, na bumabalik ito sa pamilihan, na ang mga pulis mismo ang gumagawa at pinalalaya nila ang nadakip nilang utak nito sa malaking halaga ay isa sa mga ibinabayad ng taumbayan para sa tinatamasa nilang kapayapaan. Nagbubuwis ng buhay ang mga dukha sa ikayayaman ng iilan.
-Ric Valmonte