NAGBITIW na si Lt. Gen. Ronnie Evangelista nitong Martes, bilang superintendent ng Philippine Military Academy (PMA), kaugnay ng pagkamatay sa hazing ng biktimang si first-year cadet Darwin Dormitorio.
Nitong Setyembre 18, Miyerkules, dakong 5:50 ng umaga, binawian ng buhay si Cadet Dormitorio sa PMA station hospital. Isinugod siya sa ospital dahil sa iniinda nitong sakit sa tiyan, noong umaga ng Setyembre 17, ngunit pinabalik din ng barracks nang walang makitang depirensiya dito. Dakong 11:00 ng gabi, nagsuka si Dormitorio. At kinabukasan, natagpuan itong walang malay at muling dinala sa ospital dakong 4:00 ng madaling araw. Pagsapit ng 5:15 ng umaga, patay na ito. Cardiac arrest secondary to internal hemorrhage, ang sanhi ng pagkamatay ng kadete.
Kalaunan, tatlong iba pang freshman PMA cadet ang napag-alamang nasa ospital din sa Quezon City, na pawang mga umiinda ng sakit sa tiyan, mula sa pagmamalupit. Dalawa sa mga ito ang maayos na ang kondisyon habang patuloy na ginagamot, pagbabahagi ni Brig. Gen. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines.
Napatalsik na sa PMA ang apat na upperclassmen-- dalawang squadmates ni Dormitorio dahil sa “direct participation,” at ang squad leader para sa “command responsibility,” gayundin ang isang graduating na kadete para sa “encouraging maltreatment.” Sinuspinde naman ang platoon leader at commanding officer ni Dormitorio na kapwa 1st class cadet. Habang binigyan naman ng parusa at confinement ang floor inspector, na isa ring 1st class cadet.
Tanggal naman sa kanilang posisyon ang apat na opisyal ng PMA—ang tactical officer at senior tactical officer ni Dormitorio, commanding officer ng PMA Hospital, at ang doktor na sumuri sa namatay na kadete.
Nitong Martes, nagbitiw naman sa posisyon ang pinuno ng PMA, na si General Evangelista. “In the military tradition of command responsibility, it is now the proper time for me as head of this institution, together with the Commandant of Cadets (Brig. Gen. Bartolome V. Bacarro) , to relinguish our respective positions,”paliwanag ng Heneral. “I did not leave my post in the midst of crisis. I faced the problem squarely and we have finished the investigation. As I resign my post, it is now up to the proper authority to decide on the finality of the case.
Inulan ng pagkondena mula sa publiko ang nangyaring hazing na nagresulta sa pagkamatay ni Dormitorio. Matagal nang tinututulan ang hazing sa PMA at mga samahan o fraternities sa mga unibersidad bilang isang masamang tradisyon, taliwas sa kaugaliang Pilipino, na nagtatakwil sa pananakit sa mga walang kalaban-laban. Ngunit magpapatuloy pa rin ito hanggat pinahihintulutan ito ng PMA at ng mga opisyal ng unibersidad. Maging mismong si Pangulong Duterte ay nagpahayag ng galit hinggil sa pagkamatay ng batang kadete.
Dapat namang purihin si General Evangelista para sa matuwid nitong desisyon na bumaba sa kanyang katungkulan bilang pangkalahatang pinuno ng PMA. Alam niyang dapat ay gumawa na siya ng akisyon upang naiwasan sana ang hazing, isang mali at kinokondenang tradisyon, o kahit pagsisiguro lamang na maiwasan ang magmamalabis mula sa mga mapagsamantalang indibiduwal. Ngayon dapat niyang tanggapin ang parusa para sa kanyang pagpapabaya.
Mayroong nakatakdang parusa para sa aktuwal na may kasalanan sa nangyaring pagkamatay dulot ng hazing. Ngunit higit dito, dapat ay hindi na maulit ang ganitong pagkamatay—sa PMA man o ibang paaralan sa bansa—marahil sa pamamagitan ng isang batas tulad ng mungkahi ng ilang mambabatas. Ngayon, dapat gumawa ng tiyak na hakbang ang mga responsableng opisyal upang mahinto ito sa kanilang mga nasasakupan.