NITONG nakalipas na Setyembere 13, Biyernes, lampas alas-tres ng hapon, pumanaw na ang aking mahal na ama. Napakabait ng Panginoon dahil dininig Niya ang panalangin namin, kasama ng aming tatay, na maging “peaceful at painless” ang kanyang pag-iwan sa mundo. Halos dalawang taon din siya naka-dialysis, tatlong beses sa isang linggo.
Nagkagayon dahil, noong magka-pneumonia ang aming ina na si Pining, hindi niya sukat na maiwanan sa ospital ang pinakamamahal ng puso. Binigyan siya ng babala ng mga manggagamot na baka mahawa sa sakit ng aming nanay. Ang sagot niya ay, “Sino ang mag-aalaga sa kanya, kung wala ako?” At yun na nga, tumalon sa aking ama ang sakuna. Dahil sa gulang at damukal ng antibiotics, tinamaan ang kidneys niya. Si Rene Espina, solong anak nila Tarcila Gandiongco at Raphael Espina. Nagkaanak pa ang mag-asawa dahil sa grasya ng panalangin at pangako na ipapangalan ang supling kay Hesu Kristo. Ang buong pangalan ng aking ama ay Hesus Rene Marino, na ipinanganak isang araw pagkatapos ng Pasko. Lumaki si Rene sa Pier 3 sa Barangay Tejero, Cebu City. Sa loob ng dalawang taon, tinapos niya ang high school. Naging bar topnotcher at abogado sa gradong 93.2% ng University of Southern Philippines. Si Pining naman, ay anak ng kauna-unahang abogado ng Negros Oriental, Proceso Remollo na nakapagtapos sa prestihiyosong Stanford University, sa Amerika. Dahil kay Pining napigilan ang aking ama na sumakay sa bumagsak na eroplano ni Presidente Magsaysay Sr., kahit personal na niyakag ng huli upang ituro sa kanyang pamahalaan. Dahilan ng una nilang talastasan bilang mag-asawa, dahil kung tumuloy ang aking ama, binalaang iiwanan ni Pining. Naging pinakabatang SSS Administrator si Rene sa gulang 32 sa Administrasyong Diosdado Macapagal. Ang punong gusali ng SSS sa Quezon City ay kanyang itinayo sa halagang P20 milyong piso. Ilang lindol na nagdaan, at nakatayo pa rin. Ngumiti ang tadhana ng patakbuhin ng aking ama bilang gobernador ng Cebu. Kasaysayang natamo, dahil suportado ng pamilyang magkalaban, Osmena at Durano, habang ang Bise-Gobernador, ay sona-libre, na may kanya-kanyang at bata-batang dinadala ang magkatunggaling pamilya.
Itutuloy
-Erik Espina