NAKASIGURO na ng slot sa Final Four round matapos ang kanilang muling pananaig sa San Sebastian College nitong Martes, patatatagin ng defending champion San Beda ang pamumuno sa pagsalang laban Perpetual ngayon sa second round ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.
Nakatakda ang laro ganap na 2:00 ng hapon sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Tatangkain ng tropa ni coach Boyet Fernandez na masungkit ang ika-14 na sunod nilang panalo sa pamamagitan ng muling paggapi nila sa Altas na kanilang dinomina noong Agosto 16 sa iskor na 102-56 na naging dahilan ng kontrobersiyal na panandaliang pagbaba ni coach Frankie Lim sa kanyang puwesto.
Subalit tiyak namang walang ibang hangad at iniisip ang buong koponan ng Perpetual kundi ang makabawi sa nakahihiyang pagkabigo.
Hawak ang markang 3-8, sisikapin nilang makapagtala ng isang malaking upset upang umangat sa ikapitong puwesto na inuokupa ngayon ng sinusundan nilang Jose Rizal University (4-8).
Sa tampok na laro, lumakas ang tsansang makahabol sa Final Four sa pag-angat nila sa ikalimang posisyon kasunod ng naitalang back-to-back wins kontra Emilio Aguinaldo College at Arellano University, sisikapin ng Mapua University na maitala ang ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa nila sa palaban ding JRU ganap na 4:00 ng hapon.
-Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
2:00 n.h. -- Perpetual vs San
Beda (m)
4:00 n.h. -- Mapua vs JRU (m)