RECKLESS imprudence resulting in physical injuries and damage to property and disobedience to person in authority ang ikinaso ng Makati Police kay Starstruck Season 6 Ultimate Male Survivor Migo Adecer sa aksidenteng kinaharap niya noong Marso 26, 2019.
Base sa report ng Makati Police ay tinakbuhan ni Migo sina Rogelio Formelos Castillano at Michelle Gallova Papin kapwa empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na nakasakay sa motorsiklo.
At dahil dito ay napilitang habulin ng traffic enforcers ang aktor sakay ng kanyang Subaru sports car at nahuli siya sa N. Garcia Street, Gil Puyat Avenue malapi sa Bel- Air.
Nabanggit ding nakainom si Migo nu’ng nangyari ang aksidente at hindi siya makausap ng maayos bukod pa sa ayaw nitong ibigay ang kanyang lisensiya kaya’t napilitan siyang i-detain sa Makati Police Station buong magdamag.
Ilang buwang nanahimik ang GMA artist at sa unang pagkakataon ay nakausap siya ng ilang media practitioners sa ginanap na Black Lipstick mediacon nitong Martes ng gabi sa isang restaurant.
Bagay nga kay Migo Adecer ang titulo niyang Ultimate Survivor dahil nalampasan niya ang maagang pagsubok na ito sa buhay niya.
Base sa panayam ni Arniel Serato ng PEP, “I’m actually healed. Honestly, I think it did more to my career when I did something bad. What I mean is, it was all a big misunderstanding, a lot of information that wasn’t released to the press. But it’s better to let the situation die down by itself. But all that matters is that I’m out, all safe, and nobody was hurt.”
Hindi naman daw traumatic kay Migo ang nangyaring ito sa kanya, pero malaking aral ito para sa kanya.
“It was okay. I mean, it’s definitely a life lesson no matter how,” sambit ng binata.
At ang kasong isinampa sa kanya ay naayos na ng kampo ng aktor, “okay na. Well, of course, regarding the case, maayos na. We fixed it na.”
Itinanggi naman ng aktor na nakainom siya nu’ng gabing nakabangga siya, “No, I was not. I just came from a wedding.”
Hindi naman daw natakot si Migo nu’ng palibutan siya ng mga pulis, “Wala, I mean, police are police. You know what I mean? Especially with the language barrier, it’s quite frustrating to kinda get my point across. I don’t know.”
At dahil sa kaso sa aktor ay dalawang taon siyang hindi makakapag-maneho dahil kinumpiska ang lisensiya niya.
“Medyo na-revoke lang yung license ko. So, I have just to wait for two years ‘til I can get my license,” pag-amin ni Migo.
Dagdag pa, “honestly, I was getting tired of driving, traffic here in the Philippines.”
Laking Australia si Migo at pumunta siya sa Pilipinas (2015) para sumali sa Starstruck base na rin sa payo ng manager niyang si Ms Kuh Ledesma at nanalo siya bilang Ultimate Survivor Season 6.
Samantala, gagampanan ni Migo ang karakter na Emil sa Black Lipstick bilang bestfriend ni Ikay (Kyline Alcantara) na may mahalagang pagtingin sa dalaga.
Bukod kina Migo at Kyline ay kasama rin sa pelikula sina Manolo Pedrosa, at Kate Valdez, Cheska Salcedo, Nella Marie Dizon, Angel Guardian, Angeline Sano, James Teng, Phi Ramos, Charming Laguslad, Patricia Roxas, Nicole Villanueva, Thia Tomalla at Snooky Serna produced ng Obra Productions at mapapanood na sa Oktubre 9 sa lahat ng sinehan nationwide.
-Reggee Bonoan