HUMAHANTONG na sa kritikal na sitwasyon ang mga kaganapan sa hakbang ng pamahalaan na tanggalin ang ilan sa mga insentibo sa buwis na dating ginamit ng nakaraang administrasyon upang makaakit ng maraming dayuhan na kumpanya na magtayo ng kanilang negosyo sa Pilipinas.
Una ngayong buwan, nanawagan ang Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC), na ang mga miyembro ay kasalukuyang mayroong nasa $30 bilyong halaga ng pamumuhunan sa bansa, sa Philippine Export Zone Authority (PEZA) na huwag silang isama sa mungkahing Comprehensive Income Tax and Incentive Rationalization Act (CITIRA), House bill 4157.
Partikular dito, kontra ang JFC sa probisyon na magtatanggal sa kasalukuyang 5 porsiyentong Gross Income Earned (GIE) tax na binabayaran ng mga kumpanyang nasa ilalim ng ecozone bilang kapalit ng lokal at pambansang buwis. Sa mga nakalipas na dekada, tumatakbo ang maraming dayuhang kumpanya sa mga PEZA sa ilalim ng ganitong sistema ng pagbubuwis. Kung tatanggalin ito, mapuputol ang kanilang operasyon, kaya naman marami ang naghahanda nang umalis at lumipat na lamang sa ibang mga bansa tulad ng Vietnam.
Ang JFC ay isang koalisyon ng kamara at kumpanyang mula sa Amerika, Australia, New Zealand, Canada, Europe, Japan, at Korea kasama ang Philippines Association of Multinational Companies. Kinakatawan nila ang nasa 4,000 dayuhang kumpanya na ngayon ay nakalagak sa mga ecozones sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nitong Biyernes, kasunod ng mga ulat hinggil sa utos ni Pangulong Duterte sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan na suspindehin muna ang lahat ng transaksiyon ng mga kasunduang pinansiyal, kabilang ang donasyon sa Pilipinas, sa 17 bansa na bumuto ng pabor sa resolusyon ng United Nations para sa isang imbestigasyon hinggil sa umano’y mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas. Sinabi ni Executive Director Florian Gottein ng European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) na ikinokonsidera na ngayon ng ilang mga kumpanya mula Europa ang pag-alis sa bansa.
Mabilis namang itinanggi ni presidential spokesman Salvador Panelo ang naturang direktiba ng pangulo, ngunit ang reaksiyon ng mga kumpanya mula Europa ay malinaw na nagpapakita kung paano lumala ang sitwasyon dulot ng CITIRA.
Tatapyasin ng CITIRA—dating kilala bilang TRAIN 2, na pinangalanan ding TRABAHO—ang corporate income tax mula 30 hanggang 20 porsiyento, na magiging daan upang magkaroon ng mas maraming pondo ang mga pribadong kumpanya para sa pagpapalawak ng kanilang operasyon. Inaasahan itong lilikha ng nasa 1.5 milyong trabaho.
Ngunit sa kabila nito, maraming dayuhang kumpanya ang nagbabadyang umalis, sa puntong tanggalin ng CITIRA ang special tax na dati nilang natatamasa. Sa ngayon may nasa 1.5 milyong mangagawa ang nagtatrabaho sa mahigit 4,000 kumpanya sa ilalim ng PEZA.
Gaano makatotohanan ang inaasahan ng pamahalaan na 1.5 milyong trabaho? At gaano ba karami ang mga dayuhang kumpanya na kasalukyang may 1.5 milyong manggagawa na maaaring umalis ng bansa?
Umaasa tayong magkakaroon ng tamang pagtataya at paghatol ang ating mga opisyal, lalo’t daang libong trabaho ang nakataya rito.