MUKHANG tumatapang na ngayon ang Palasyo laban sa pambu-bully at panggigipit ng China sa West Philippine Sea (WPS). Noong Lunes, tinawag ng Malacañang na “objectionable” o hindi tama ang pagharang ng Chinese Coast Guard (CCG) sa tatlong barko ng Pilipinas na maghahatid ng supplies at pangangailangan ng mga sundalong Pinoy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin (Second Thomas) Shoal sa WPS.

Iniulat ng Department of National Defense (DND) na hinarang ng CCG ang PH resupply mission para sa mga tropa ng gobyerno na nakatalaga sa BRP Sierra Madre, na nagsisilbing military detachment sa Ayungin Shoal. Ito ay may 105 nautical miles lang ang layo mula sa Palawan. Inaangkin din ito ng China na kung tawagin nila ay Ren’ai Jiao.

Ayon sa DND report, ang Chinese vessel na may bow number 3305 ay lumapit hanggang 1,600 yarda sa mga barko ng ‘Pinas. Laging nagpapadala ang China ng isang Coast Guard ship sa paligid ng Ayungin Shoal para mag-monitor ng mga nangyayari sa lugar. “Ito ay objectionable...Sila ay nagdadala lang ng pagkain (PH ships). Bakit mo sila haharangin?” pahayag ni presidential spokesman Salvador Panelo.

Ayon kay Spox Panelo, hahayaan na lang niya si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang humawak sa isyu ng panghaharang ng China sa mga barko ng PH patungong Ayungin. Nais nilang itanong sa China kung bakit hinaharang ang PH ships na maghahatid ng suplay at pagkain sa mga sundalo gayong ang lugar ay saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Ang insidente ng panghaharang ng CCG, ayon sa report, ay nangyari tatlong buwan bago lumipad si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa China. Nagkasundo sila ni Chinese Pres. Xi Jinping na iwasan ang ano mang “aggressive actions” na makasisira sa relasyon ng dalawang bansa.

Sabi ng kaibigang sarkastiko: “Yan ang bunga ng pagsasawalang-kibo ng ating Pangulo sa mga ginagawa ng China sa WPS. Paulit-ulit kasing sinasabi niyang hindi natin kayang makipaggiyera sa dambuhala. Eh sino ba ang nais makipag-away? Ang nais lang natin ay magprotesta at ipaalam sa kanila at sa mundo ang ginagawa ng China.”

oOo

Bukod pala sa grabeng hazing sa Philippine Military Academy (PMA) na ikinamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio, dalawa pang kadete ang naospital din sa posibleng maltreatment o hazing, ayon sa militar. Ayon kay Brig. Gen. Edgar Arevalo, AFP spokesman, nagre-recover na ngayon ang dalawa sa military hospital.

Nag-utos sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at DILG Sec. Eduardo Ano ng imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ni Dormitorio. Nais din niyang ipa-check up ang lahat ng plebo sa ospital para malaman kung sila man ay sumailalim sa hazing, pero takot magsalita. Bakit nga ba kailangang sumailalim sa hazing ang mga kadete na pumipinsala sa buhay ng mga batang kadete? Dapat ay gawing isang heinous crime ang hazing.

-Bert de Guzman