LACUAA NA!
Ni Edwin Rollon
PAYAK, ngunit makulay na programa, kasunod ang maaksiyong tagpo ang nakaparada sa pagbubukas ng Season 7 ng Laguna Colleges and Universities Athletic Association (LACUAA) basketball tournament ngayon sa Dominican College gym sa Sta. Rosa City, Laguna.
Ito ang pagtitiyak ni LACUAA president Arnaldo M. Dilig ng San Sebastian College-Canlubang at iba pang opisyal sa kanilang pagdalo sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club sa Intramuros.
"Maganda ang kinabukasan para sa LACUAA na ngayon ay magsisimula ng ika-pitong season bukas," pahayag ni Dilig sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
"Gaya ng mga nakalipas na taon, umaasa kami na magiging matagumpay ang aming ika-pitong season sa tulong ninyo at sa bawat miyembrong eskwelahan,” ayon kay Dilig.
Dalawang bagong miyembro -- Dominican College, na magsisilbing host, at Christ the King School ng Cabuyao – ang inaasahang magpapadagdag sa mataas na level ng kompetisyon sa pinakamalaking collegiate league sa lalawigan.
Sa kabuuan, may 11 member-teams ang lalahok sa Laguna-based na kumpetisyon, ayon kay Dilig.
Tiniyak naman nina LACUAA vice-president Richard Penaranda at secretary-general Bernard Bergania na magiging maganda ang patakbo ng liga sa tulong ng Federation of School Sports Associations of the Philippines (FESSAP) at Basketball Association of the Philippines (BAP)
Sinabi ni Penaranda na magiging mahigpit ang LACUAA Board upang maiwasan ang anumang kaguluhan gaya ng nangyari sa isa pang liga, na kung saan may na banned for life na coach.
“Hindi namin hahayaan na may mangyaring kaparehong kaguluhan sa aming liga sa LACUAA, lalo na kung ang sangkot ay coach or player ng aming mga member-teams,” pagtitiyak ng tatlong LACUAA officials.
Pangungunahan nina Dominican principal-directress Sister Maria Goretti S. Verga at VP for Student Affairs head Bernard P. Bergania ang pagbubukas ng liga, na eklusibong para sa mga universities at colleges sa lalawigan ng Laguna.
Dadalo rin sa opening ceremony sina Federation of School Sports Associations of the Philippines (FESSAP) vice president Robert Calo at LACUAA founding chairman Ding Andres.
Ang 11 member-teams ngayong taon ay ang Trace College -Los Baños, San Sebastian College-Canlubang, San Pedro College od Business Administration, AsiaTech Sta. Rosa, San Pablo College, Westbridge Institute of Technology Inc.-Cabuyao, University of Perpetual Help Data System-Calamba, University of the Philippines-Los Banos, Green Fields Integrated Schools, Christ the King Schools at Dominican College.
Ngayon taon, ang men's basketball tournament ay magkakaron ng bagong kampeon matapos mag desisyon ang Colegio de San Agustin-Biñan na humingi ng leave of absence.
Sa junior division, defending champion naman ang Trace College ni coach Nomar Isla.