NANAWAGAN ang Department of Health (DoH) para sa pagtatayo ng nasa 3.5 milyong palikuran sa buong bansa, bilang bahagi solusyon sa problema ng polio, na nagbalik sa Pilipinas makalipas ang halos dalawang dekada mula nang ideklarang naglaho na sa bansa ang sakit noong 2000.
Bagamat masasabing ang malaking pagbagsak sa bilang ng nakilahok sa programang pagpapabakuna ng bansa, ang sanhi ng pagbabalik ng polio, sinabi ng DoH at ng World Health Organization (WHO) na malaking salik din ang kawalan ng maayos na sanitasyon at hygiene.
Sa paliwanag ng WHO, kapag ang isang bata ay nabigyan ng Oral Polio Vaccine, dumarami ang mahinang uri ng virus sa bituka at tumutugon naman ang katawan sa pamamagitan ng paglalabas ng mga antibodies upang malabanan ang virus. Kasunod nito, mailalabas na ang polio virus sa kasama ng dumi ng tao, at kung saan wala ang maayos na sanitasyon at hygience, na nagiging dahilan ng pagkalat ng polio virus sa komunidad bago pa ito mamatay.
Kaya naman nanawagan ang DoH para sa isang “zero open defecation” na kapaligiran, na malayo sa kaso ng maraming lugar sa bansa sa kasalukuyan. Dahil dito sinabi ng DoH na kailangang makapagtayo ang pamahalaan ng 3.5 milyong palikuran sa bansa, na karamihan ay sa Metro Manila.
“Out of the 3.5 million na kailangan na toilets, majority is in the National Capital Region,” pahayag ni Health Undersecretary Enrique Domingo. “Toilet ng mga pamilya at bahay ito. Talagang maraming families ang walang sanitary toilets.”
Ngayon, may paliwanag na sa wakas para sa iba pang problema na lumalaganap sa Metro Manila – ang polusyon ng Manila Bay at ang lahat ng mga ilog at esteros na dumadaloy rito. Matinding polusyon na dahilan upang ipagbawal ang paglangoy o pagtatampisaw sa tubig ng look. Sa huling pasusuri sa tubig ng Manila Bay sa bahagi ng Malate, Manila, natuklasan ang nasa 2.44 billion MPN (most probable number) per 100 millimeters, na malayo sa lebel na 100 MPN para maging ligtas sa paglalangoy.
Ibinigay sa DENR ang trabaho para sa paglilinis ng look, matapos ang matagumpay nitong paglilinis sa isla ng Boracay sa loob ng anim na buwan noong nakaraang taon. Gayunman ang polusyon ng Manila Bay ay higit na malala, sa pagsasabi ng DENR, na aabutin ng higit sampung taon bago pa ito malinis.
Saan nagmumula ang polusyon? Naibigay na ng DoH ngayon ang malaking bahagi ng sagot dito. Nagmumula ito sa milyong kabahayan sa Metro Manila. Nanggagaling din ito sa mga babuyan at pabrika na nagtatapon ng kanilang mga dumi sa ilog at maraming kadugtong na anyong tubig at mga esteros. Ngunit karamihan sa mga ito ay nagmumula sa milyong mga kabahayan na walang palikuran.
Hangad ngayon ng DoH na magkapagtayo ng 3.5 milyong palikuran—na karamihan ay sa Metro Manila—upang makatulong na masolusyunan ang problema sa sakit na polio sa bansa. Dapat ding itong makatulong sa paglutas ng DENR sa malaking problema ng polusyon sa Manila Bay.