Maalis ang isa sa dalawang nalalabing balakid para sa asam nilang first round sweep ang tatangkain ng defending champion Ateneo de Manila sa pagsagupa nila sa University of the East ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.

Makakasagupa ng undefeated at namumunong Blue Eagles ang Red Warriors sa ikalawang laro ganap na 12:30 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay.

Tanging ang UE na lamang at ang last year’s losing finalist University of the Philippines ang nalalabing mga koponan na hindi pa nakakaharap ng Ateneo na nagsosolo sa liderato taglay ang malinis na markang 6-0, panalo-talo.

Kasunod ng kanilang naitalang 71-50 panalo noong nakaraang Linggo kontra National University sa Ynares Center sa Antipolo, pinapaborang muli ang Blue Eagles kontra Red Warriors na mayroon pa lamang isang panalo sa kasalukuyan matapos ang limang laban.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ngunit sa kabila ng kasalukuyang estado, tanging sa ipinakikita nilang depensa lamang kuntento si Ateneo coach Tab Baldwin dahil nakukulangan pa ito sa kanilang opensa.

“Our field goal percentage doesn’t flatter our play really, at 40 percent. It’s something we need to continue to work on,” ani Baldwin.

“Our defense is doing a good job. It’s generating turnovers and converting those into easy points on the fastbreak,” dagdag nito.

Mauuna rito, magsisikap pa rin ang National University (0-5)na makamit na ang pinakamimithing unang panalo sa pagsagupa nila sa Far Eastern University (2-3) na tatangkain namang tumabla sa Adamson (3-3) sa ika-4 na puwesto sa kanilang pagtutuos ganap na 10:00 ng umaga.

Sa tampok na laban, patatatagin ng University of the Philippines ang kapit sa ikalawang posisyon bilang preparasyon na rin sa muli nilang pagtutuos ng Ateneo Blue Eagles sa pagharap nila sa De La Salle.

Sa kampo naman ng Archers, gaya ng Tamaraws ay hangad din nitong umangat sa 4th spot kapantay ng Falcons na huli nilang tinalo noong Sabado sa iskor na 68-61.

-Marivic Awitan