KUNG ang Social Weather Stations (SWS) ang paniniwalaan, 82 porsiyento ng mga Pinoy ang satisfied o kuntento sa isinusulong na drug war ni Pres. Rodrigo Roa Duterte. Nawala ang mga drug addict sa kalye, lansangan, tambayan na malimit nambibiktima ng mga inosenteng tao, nanggagahasa ng kababaihan at maging ng mga bata. Ang masakit, ginahasa na nila, pinatay pa.
Ako mismo ay pabor sa anti-illegal drug ni PRRD. Mabuti ito sapagkat nalilinis ang ating kapaligiran ng mga adik at tulak. Gayunman, ang hindi ko gusto ay ang pagbaril, pagtumba, at pagpatay sa mga ordinaryong pushers at users ngunit hindi man lang makanti sa daliri ang mga drug lord/trafficker/smuggler na Tsino, at mga may-ari ng malalaking laboratoryo ng droga sa mga subdibisyon at condo. Ang nakapagtataka at ‘di kapani-paniwala, hindi sila mahuli-huli, at kung mahuli man, agad nakakawala.
Sa SWS survey, walo sa 10 Filipino adults ang nananatiling kuntento o satisfied sa drug war ng ating Pangulo bagamat may mga nagdududa sa pagbaril sa nakatsinelas na pushers at users dahil nanlaban daw. Eh, sino ang magsasabing wala namang baril at hindi kumasa ang itinumbang tulak at adik?
Sa survey, na ginawa noong Hunyo 22-26, 2019, 82% ang satisfied samantalang 12% ang dissatisfied kung kaya ang net satisfaction score ay “excellent” +70. Ang nalalabing anim na porsiyento ng mga tinanong ay undecided o hindi makapagpasiya.
Kung susuriing mabuti, ang net satisfaction ni PDu30 sa kampanya laban sa ilegal na droga ay pinakamataas sa Mindanao, ang kanyang home region, “excellent” (+84), sinundan ng “very good” sa balance Luzon (+69), at +60 sa Visayas. Ayon sa SWS, ang net satisfaction sa illegal drug campaign ng Duterte administration ay laging alinman sa very good (+50 hanggang +69) o excellent (+70 pataas) sa nakalipas na 11 survey.
Ang mga dahilan kung bakit satisfied ang mga Pinoy sa illegal drug war ay una, kumaunti ang drug suspects. Ang ikalawa, naaresto ang drug suspects. Dahil nawala ang mga suspect at naging kaunti ang mga krimen, naging satisfied ang mga tao. Gumamit ang SWS ng face-to-face interviews sa may 1,200 Filipino adults, 18 ang edad pataas. Eh, ano naman kaya ang survey ng Pulse Asia?
oOo
Bakit kaya hindi mawala-wala at mapigilan ang hazing sa mga paaralan at maging sa prestihiyosong Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City? Isang kadete ng PMA, si Cadet Darwin Dormitorio, ang namatay dahil sa hazing. Batay sa awtopsiya, nagtamo siya ng grabeng bugbog sa katawan. Tatlong PMA upperclassmen ang suspek sa pambubugbog (hazing) sa kawawang si Darwin mula sa Cagayan de Oro City. Sila ay naka-stockade na ngayon at iniimbestigahan.
oOo
Maraming problemang kinakaharap ang ating bansa: dengue, tigdas, polio at iba pang sakit. Nahaharap din ang ‘Pinas sa paglaganap ng ASF (African Swine Fever) na pumipinsala sa kabuhayan ng mga magbababoy dahil sa pagkamatay ng alagang mga baboy.
Sinisisi ni Health Sec. Francisco Duque ang dengvaxia scare o takot na nalikha ng pagbakuna sa mga batang mag-aaral ng dengvaxia vaccine. Nagkaroon ng matinding kontrobersiya sa isyung ito nang ihayag ng Public Attorney’s Office (PAO) na ang pagkamatay ng ilang mag-aaral ay sanhi ng pagbabakuna sa kanila ng dengvaxia, Itinanggi ito ng Health department. Sana ay magkaisa tayo para masugpo ang sakit na polio at iba pang mga karamdaman sa ating bansa.
-Bert de Guzman